Kevin Durant,Paul Millsap

OAKLAND, California (AP) – Napalaban nang husto ang Golden State, ngunit sapat ang lakas ng Warriors sa krusyal na sandali para pabagsakin ang Atlantan Hawks, 105-100, at kabigin ang ika-12 sunod na panalo nitong Lunes (Martes sa Manila).

Naghabol ang Warriors sa 67-74 bago nagpakalawa ng 21-7 run, sa pangunguna nina Kevin Durant at Andre Iguodala para agawin ang bentahe sa 88-81 may 9:08 sa final period.

Nakadikit ang Hawks sa 89-91, ngunit magkatuwang na binalikat nina Durant at Steph Curry ang 11-5 run para muling ilayo ang bentahe sa 102-94 may 2:48 sa laro.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hindi natinag ang Atlanta para maibaba ang bentahe ng karibal sa 99-102 may 1:34 ang nalalabi, subalit nagawang madepensahan ni Draymond Green ang dalawang opensa ng Hawks para selyuhan ang panalo ng Warriors.

Hataw sina Durant at Curry sa natipang tig-25 puntos, habang kumubra si Klay Thompson ng 20 puntos at umiskor si Iguodala ng 12 puntos.

Nanguna sa Hawks si Dennis Schroder sa naiskor na 24 puntos.

RAPTORS 122, SIXERS 95

Sa Toronto, naisalpak ni Kyle Lowry ang 6-of-6 sa three-point area para sa kabuuang 24 puntos para sandigan ang Raptors kontra Philadelphia 76ers.

Nag-ambag si Terrence Ross ng season-high 22 puntos, tampok ang tatlong triples, habang bumida si DeMarre Carroll ng 10 puntos, kabilang ang dalawang trey.

Kumubra si Robert Covington ng 20 puntos para sa Sixers na bokya sa anim na laro sa road at 14 sa kabuuang 18 laban.

THUNDER 112, KNICKS 103

Sa Madison Square Garden, naitala ni Rusell Westbrook ang ikatlong sunod na triple-double sa panalo ng Oklahoma City Thunder kontra New York Knicks.

Hataw si Westbrook sa naiskor na 27 puntos, 18 rebound at 14 assist para sa ikawalong triple double ngayong season.

Nag-ambag si Enes Kanter ng 27 puntos at 10 rebounds para sa ika-11 panalo ng Thunder, habang nag-ambag sina Steven Adams at Anthony Morrow ng tig 16 puntos.

Nabalewala ang season-high 30 puntos ni Derrick Rose, gayundin ang natipang 21 puntos ni Kristaps Porzingis at 18 puntos kay Carmelo Anthony.

CELTICS 112, HEAT 104

Sa Miami, isinantabi ng Boston Celtics ang bentahe sa home crowd ng Miami Heat sa impresibong panalo.

Bumida sa Celtics sina Isaiah Thomas at Avery Bradley na kumubra ng 25 at 18 puntos, ayon sa pagkakasunod.