Tumatag ang Arellano University sa solong pamumuno sa men’s division matapos makopo ang ikatlong sunod na panalo nang daigin ang Mapua, 25-22, 25-19. 23-25, 25-21 kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 92 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nagposte ng 17 puntos si Joseph Cabillan, habang nagdagdag sina Kevin Liberato at Benrasid Latip ng 15 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod upang mapanatili ng malinis na karta.

Tumapos namang topscorer para sa Cardinals na bumaba sa ikatlong posisyon hawak ang patas na barahang 2-2, si Alfredo Pagulong na may game high 19 puntos.

Nakumpleto naman ng Arellano ang twin kill nang manaig din ang Lady Chiefs kontra Lady Cardinals, 25-17, 25-8, 18-25, 25-18.

Volleyball fans may bagong aabangan sa PVL!

Umiskor ang beteranang si Rialen Sante ng 14 puntos bukod pa sa 10 digs habang nag- ambag ng 12 puntos si Mary Anne Esguerra para sa Lady Chiefs na umangat sa barahang 2-1, kasalo ang Jose Rizal University.

Walang nakapagtala ng double digit para sa Lady Cardinals na pinangunahan nina Diana Latayan, Jela Peña at Katrina Racelis na nagtapos na may tig-pitong puntos.

Ang kabiguan ang ika-apat na sunod para sa Lady Cardinals na nagbaon sa kanila sa ilalim ng standings.

(Marivic Awitan)