PInatunayan ni dating world rated Ryan Sermona na siya ang kontrapelo ni Roberto Gonzales nang talunin sa 5th round technical knockout para maagaw ang Philippine lightweight title noong Sabado ng gabi sa Agoncillo Covered Court, Agoncillo, Batangas.

Si Sermona rin ang nagpalasap ng unang pagkatalo kay Gonzales noong Mayo 13, 2012 sa Puerto Galera, Mindoro Oriental pero sa kanilang rematch ay nakataya na ang korona ng tinaguriang “Bad Boy of Batangas.”

Matindi ang naging palitan ng suntok ng dalawang boksingero ngunit pinatunayan ni Sermona ang pagiging beterano sa international fights nang mapatigil niya si Gonzales sa 5th round upang ideklarang bagong Philippine lightweight champion.

Napaganda ng tubong Negros Occidental na si Sermona na kilala sa bansag na “Crusher” ang kanyang rekord sa 20-8-0 , tampok ang 13 panalo sa knockouts samantalang dumausdos si Gonzales sa 27-3-0, tangan ang 17 panalo sa knockout.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa undercard, isang malaking upset ang nilikha ni Jheritz Chavez nang talunin sa 7th round TKO si dating world rated at IBF Pan Pacific lightweight champion Al Sabaupan gayundin si Jayar Estremos na tinalo sa 5th round technical decision si dating world rated at ex-Philippine bantamweight champion Glenn Porras. - Gilbert Espeña