Ni Angie Oredo
TAGUM CITY -- Dalawang gintong medalya ang agad na nasungkit ni Genesis Maraña ng Nueva Ecija sa girls criterium ng cycling event sa pagbubukas kahapon ng 2016 PNYG-Batang Pinoy National Championships na harap New City Tagum City Hall.
Ang 15-anyos mula San Jose City na si Maraña, pinsan ng dating Marlboro Tour veteran Ariel at Dominador Maraña, ay bumulusok sa kanyang unang gintong medalya sa Category B 15-under girls criterium bago muling dinomina ang Category A 17-under eksaktong 30 minuto lamang makapagpahinga para sa ikalawang sunod na ginto.
“Athletics po ang sports ko dati. Bronze medalist po ako noong 2013 Dumaguete Palaro sa 100m girls low hurdle. Nakikisabay lang po ako talaga sa tito ko na titser sa pagbike,” sabi ni Maraña, Grade 10 sa San Jose National High School. ““Sumali ako sa amin at nanalo ako, doon na po ako nadiskubre ni coach Cesar Lobramonte,” aniya.
Itinala ni Maraña ang kabuuang 14:34.087 sa 15-under upang talunin sina Myra Regina Acedo ng Davao City at Karen Manayon ng Cebu Province na kapwa itinala ang 14:39.283 oras para sa ikalawa at ikatlo.
Sunod na tinalo ni Maraña sa 17-under event sina Veronica Deldio ng Olongapo at si Manayon ng Cebu Province para sa ikalawang sunod na ginto. Itinala ni Maraña ang kabuuang 23:30.845 tiyempo habang si Deldio, kapatid ng dating kampeon na si Victoria, ay may 23:32.083 kapantay ni Manayon.
Hinablot naman ni Joseff Miguel Quirino ng Malaybalay, Bukidnon ang pinakaunang gintong medalyang nakataya sa ikaanim na edisyon ng isa sa mga torneo sa ilalim ng grassroots sports development program ng Philippine Sports Commission (PSC) matapos magwagi sa 13-under.
Nilampasan sa rematehan ng 13-anyos at Grade 7 sa San Isidro College na si Quirino ang karibal na si Clifford Pusing ng Olongapo tungo sa pagtatala ng parehas na oras na 10:00.20. Ikatlo si Christian Acedo ng Davao City (10:06.410).
Dinomina naman ng 12-anyos na si Moira Frances Erediano na Grade 6 sa Ateneo De Cebu ang girls 13-under sa pagtala ng mabilis na 11:40.000 para sa kanyang unang gintong medalya sa unang pagsali sa torneo.
Napanatili naman ni Jose Emmanuel Valdivia ng Lipa City ang isa sa kanyang tatlong event na dedepensahan nang magwagi sa 15-under event sa 13:01.180.