NAG-ISYU ng “Show Cause Order” ang Mababang Kapulungan ng Kongreso laban kay Sen. Leila de Lima. Pinagpapaliwanag siya kung bakit hindi siya dapat ma-contempt dahil sa payo niya kay Ronnie Dayan na huwag sumipot sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay sa Illegal Drug Trade sa New Bilibid Prison noong DoJ Secretary pa ang Senadora.
Nang makatanggap kasi si Dayan ng subpoena buhat sa komite, inutusan niya ang kanyang anak na si Hannah Mae na i-text ang Senadora at hingan ito ng payo kung ano ang kanyang gagawin. Nang humarap si Hannah sa komite, binasa niya sa kanyang cell phone ang text message na ito ng Senadora: “Pakisabi sa kanya, magtago na lang muna sya. Kagagawan ‘yan nina Speaker Alvarez at dikta ni Digong.” “Obstruction of justice” at “contempt” ito sa pagdinig ng Kamara, ayon kay House Majority Floor Leader Rudy Fariñas.
Hindi ko nakikitang “Obstruction of justice o contempt” ang payong ito ni De Lima. Puwede naman itong suwayin ni Dayan.
Pero, galing daw ito sa isang Senador na dapat siya ang magpakita ng halimbawa ng paggalang. Pero, may kapanyarihan ba ang Kamara na papanagutin ang miyembro ng Senado sa salang contempt? Una, sa pagitan ng dalawang sangay na ito ng Kongreso, may iginagalang silang patakaran kahit hindi ito nakasulat: ang interparliamentary courtesy.
Upang maging epektibo sila sa pagganap nila ng kanilang tungkulin sa bayan, dapat sila ay naggagalangan. Ang bangayan ay dapat walang puwang sa kanilang relasyon. Ikalawa, hindi magandang tingnan na pinapanagot ng mga Kongresista ang Senador sa kanilang teritoryo. Para bang napakababa ang Senado sa Kamara gayong ang mga Senador ay inihahalal ng taumbayan sa buong bansa, samantalang ang mga Kongresista, maliban sa Partylist Representative, ay inihalal lamang ng kani-kanilang distrito.
Ang Senadora ang unang lumabag ng inter-parliamentary courtesy, paliwanag ng mga Kongresista nang sabihan niya si Dayan na magtago at huwag dumalo sa pagdinig. Pero, batay sa nangyari, nang dumalo na si Dayan, nilabag din ng mga Kongresista ang patakarang ito.
May batayan ang payo ng Senadora. Paano kasi, talagang pinagpistahan nila ang relasyon nito kay Dayan. Pagkatapos na aminin nila na nagkaroon sila ng relasyon sa loob ng pitong taon, dito nila isenentro ang pagtatanong kahit malayo na ang kaugnayan nito sa isyung dinidinig.
Mayaman ang ating lengguwahe para magamit sa paggalang sa bawat isa, pero pinili ng mga mambabatas ang lengguwahe ng kalye, palengke at ng mga malaswang babasahin tulad ng Tiktik at Xerox. (Ric Valmonte)