Pinaiimbestigahan ngayon ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Magtolis Briones ang kumakalat na balitang may libreng biyahe patungong China na ibinigay ang bidder para sa mga DepEd inspector.

Iginiit ni Briones na taliwas ito sa kanyang agenda sa pagpapatupad ng transparent at corruption-free na liderato sa DepEd kaya agad na inatasan ang kinauukulang tanggapan na magsagawa ng masusing pagsisiyasat ukol dito.

Nag-isyu na rin ang kalihim ng isang memorandum kay DepEd’s Director of Administrative Service Robert Agustin upang bigyang linaw ang mga detalye sa nasabing free-trip sa China.

Batay sa inisyal na resulta ng imbestigasyon ng DepEd, lumitaw na ang mismong kagawaran ang nagpondo sa nasabing biyahe.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ginastusan ng DepEd ang pagbisita sa production site na hiniling ng Multifocus Corp., alinsunod sa termino at kondisyon ng kontrata.

Ayon kay Agustin, ipinakita sa rekord na awtorisado ang nasabing biyahe sa China na isinagawa noong Pebrero 2016, noong panahon pa ni dating DepEd Secretary Bro. Armin Luistro.

Ang mga awtorisadong inspectorate team ay kinabibilangan nina Agustin, National Science Teaching Instrumentation Center (NSTIC) Director Raul La Rosa, isang engineer, at isang architect.

Pinabulaanan din ito ni La Rosa at iginiit na nabago ang kondisyon ng items kaya nagsagawa sila ng stress-test kung saan sinuri ang dimensiyon, konstruksiyon at kalidad ng mga kagamitan ng Math at Science na kanilang sinunod ayon sa technical specifications. (Bella Gamotea)