Kritikal sa pagamutan ng isang binata makaraan siyang tadtarin ng saksak ng gunting ng isang barbero na tinanggihan nilang isama sa inuman sa Muntinlupa City, kahapon.
Patuloy na inoobserbahan sa Ospital ng Muntinlupa si Jhonjoe Demenjino,19, ng Purok 6, Extension Alabang, dahil sa ilang saksak ng gunting na tinamo nito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nakakulong naman sa detention cell ng Muntinlupa City Police si Alex Ducalan, 43, kalugar ng biktima.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO1 Mark Villanuac, ng Criminal Investigation Division (CID) ng pulisya, dakong 3:00 ng umaga nang mangyari ang insidente malapit sa bahay ng biktima sa Purok 4, Extension Alabang.
Bago ang insidente,nakikipag-inuman ang biktima sa ilang kaibigan nang dumating ang suspek at nais na makiumpok ngunit mariin siyang tinanggihan ni Demenjino na labis na ikinagalit ni Ducalan.
Nagtalo ang dalawa hanggang sa kuhanin ni Ducalan ang gunting na gamit niya sa panggugupit at ilang beses na sinaksak si Demenjino.
Kaagad na naisugod sa ospital ang biktima, habang sumuko naman ang suspek sa rumespondeng pulis. (Bella Gamotea)