May posibilidad na magharap sa Senado ang sinasabing pangunahing drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa at ang dating bodyguard at karelasyon ni Senator Leila de Lima na si Ronnie Dayan sa susunod na pagdinig ng Senate committee on dangerous drugs and public order.

Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, hindi kuntento ang Senado sa mga ibinunyag ni Dayan sa pagdinig ng Kamara nitong Huwebes at sa testimonya ni Espinosa sa Senado nitong Miyerkules.

Aniya, si Senator Panfilo Lacson ang magdedesisyon kung ipatatawag nito si Dayan.

“I’m considering inviting Dayan if only to clarify his and Kerwin’s conflicting testimonies on the dates of the payoffs and who introduced whom and other matters that could shed light on several issues involved,” saad naman sa text message ni Lacson.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, naniniwala naman si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na mayroon pang itinatago si Dayan dahil marami pa itong hindi sinasabi na para bang pinoprotektahan ang sarili.

Sinabi ni Aguirre na kung mapapasailalim sa Witness Protection Program (WPP) si Dayan ay kailangang ihayag nito ang lahat ng nalalaman.

Ibiniyahe na nitong Huwebes ng gabi si Dayan papunta sa safe house nito sa Pangasinan, at mahigpit ang ipinatutupad na seguridad ng Pangasinan Police Provincial Office para sa kanya.

Mananatili si Dayan sa kanyang safe house habang imo-monitor din ng awtoridad ang kanyang bahay sa Urbiztondo. (Leonel Abasola, Beth Camia at Liezle Basa Iñigo)