Posibleng bumisita si Pangulong Rodrigo R. Duterte sa Moscow matapos ang taglamig roon upang paunlakan ang imbitasyon ni Russian President Vladimir Putin.
“I welcomed the invitation of President Putin to visit Russia,” sabi ng Punong Ehekutibo noong Miyerkules ng gabi sa news conference sa pagdating niya sa Davao City International Airport mula sa kanyang unang pagdalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Lima, Peru.
Sinabi ni Duterte na inatasan na niya sina Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay at Defense Secretary Delfin Lorenzana na magbalangkas ng substantive agenda sa Moscow sa lalong madaling panahon.
Gayunman, inamin ng Pangulo na hindi pa siya makabisita sa Russia sa ngayon dahil sa malamig na panahon.
“Ang totoo talaga niyan, hindi (ako) makapunta ngayon because I cannot stand the cold,” ani Duterte sa mamamahayag.
Inimbitahan ng Russian leader ang kanyang Philippine counterpart sa kanilang unang pagpupulong sa sidelines ng APEC leaders’ summit. (Elena L. Aben)