HOUSTON (AP) — Sinampahan ng kasong ‘felony retaliation’ si dating NBA all-star Steve Francis matapos umanong takutin ang isang traffic deputy na tangkang umaresto sa kanya.
Sa record ng korte, nahaharap din sa kasong ‘misdemeanor driving while intoxicated’ ang 39-anyos na si Francis nitong Sabado.
Pansamantala siyang pinalaya matapos magbayad ng $5,500 bond. Nakatakda siyang humarap sa arraignment sa Miyerkules.
Sa pahayag ng KHOU-TV, pinatigil si Francis sa Harris County, Texas bunsod ng ‘speeding’. Ayon sa ulat, naamoy ng deputy ang alcohol kay Francis kung kaya’t kaagad itong inaresto. Hindi naman umano nanakit ang dating NBA star.
Wala ring legal counsel na nakatala na magtatangol sa kanya.
Naglaro si Francis ng 11 season sa NBA, kabilang ang pitong taon sa Houston.