Tuluyan nang isinasantabi ng mga awtoridad ang anggulong may naganap na foul play sa pagkamatay ng singer-comedian na si Blakdyak sa loob ng tinutuluyan niyang condominium unit sa Sampaloc, Maynila, nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay SPO1 Lester Evangelista, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), kumpirmadong nagpakamatay si Joey Furmaran, mas kilala bilang Blakdyak, 46, ng Unit 103 Dapitan Square, 2065 Dapitan Street, Sampaloc, Maynila dahil walang indikasyon na nanlaban ito at wala ring forcible entry sa lugar.
Lumitaw din sa imbestigasyon na “asphyxia by smother” ang ikinasawi ng biktima na nadiskubre ng kanyang anak na si Tomi, 12, sa loob mismo ng kuwarto nito habang nakahubad na nakahandusay sa sahig at nakabalot ng cellophane ang ulo.
Naniniwala umano si Evangelista na naka-downer ang biktima nang magpatiwakal at posible rin umanong dumaranas ito ng matinding stress sa pagnanais na magkaroon ng out of town shows.
Napag-alaman na bago nagpakamatay si Blakdyak ay nanggaling pa siya sa isang gig kaya’t palaisipan sa kanyang anak at kanyang asawa na si Twinkle Estanislao kung bakit naisipan ng biktima na wakasan ang sariling buhay.
Si Blakdyak ang nagpasikat sa mga awiting “Modelong Charing”, “Good Boy”, at iba pa. Bumida rin siya sa ilang comedy film. (MARY ANN SANTIAGO)