Kinuhang import ng Alab Pilipinas si Korean star Lee Seung Jun para sa kampanya sa Asean Basketball League (ABL) season.
Sa Instagram account ng Alab Pilipinas, ipinahayag ng pinakabagong koponan ng Pilipinas sa regional pro league ang pagkuha sa 38-anyos na si Lee.
Kasama niya sa larawan na ilinagay din ng koponan sa Instagram sina team owner Charlie Dy at Meralco assistant coach Jimmy Alapag.
Naipakilala na rin umano si Lee sa mga miyembro ng Alab.
Hindi estranghero sa bansa ang American-born na si Lee dahil bahagi siya ng Korean team na sumabak sa bansa para sa 2013 Fiba Asia Championship kung saan ginapi sila ng Gilas Pilipinas sa semifinal.
Huling naglaro ang 6-foot-8 na si Lee sa Seoul SK Knights ng Korean Basketball League.
Nakatakdang simulan ng Alab Pilipinas ang kampanya sa ABL kontra Singapore Slingers sa Linggo sa Alonte Sports Arena sa Binan, Laguna.