Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw sa puwesto ang mga opisyal ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Ito ay matapos ang pagpapakamatay ni ERC Director for Planning and Information Service Francisco Villa Jr.

Sa kanyang iniwang suicide notes, nakasaad ang pagpilit sa kanya ng isang Luis Morelos na lagdaan ang mga kontrata mula sa bids and awards committee na pinili umano ni ERC Chairman Jose Vicente Salazar sa isang kuwestiyonableng selection process.

Sa press conference sa Lima, Peru, sinabi ni Duterte na “binaboy” ng mga opisyal ang komisyon.

Ayon kay Duterte, sasampahan din ng kaso ang mga opisyal na sangkot sa umano’y katiwalian sa ahensya. Gayunman, hindi pa pinangalanan ng Pangulo ang mga ito.

Matigas pa sa bato! Hiling ni Sen. Bato, Senate Mansion sa Baguio, magamit para sa golf!

Maliban dito, pinapipili rin ng Pangulo ang Kamara na pigilan ang pondo ng ERC o buwagin ang ERC at bumuo ng panibagong ahensya.

Kaugnay nito, nagkaisa ang mga opisyal ng ERC na manatili pa rin sa kanilang pwesto.

Sama-samang humarap sa media kahapon ang mga commissioner ng ERC na sina Alfredo Non, Ina Asirit at Gloria Victoria Taruc at nagpahayag ng kahandaang humarap sa anumang imbestigasyon kaugnay ng alegasyon ng katiwalian sa kanilang tanggapan.

Bigo namang makarating si Salazar sa naturang pulong balitaan.

Ayon sa mga commissioner, naniniwala silang ang pagbibitiw nila sa puwesto ay hindi para sa ikabubuti ng ERC, lalo na at wala pa umanong papalit sa kanilang pwesto, kaya tiyak na maaapektuhan at magkaka-vacuum ang kanilang trabaho.

(Mary Ann Santiago at Beth Camia)