IKINASA na ang kilos-protesta laban sa Marcos burial sa pagdating ni Pangulong Digong buhat sa Lima, Peru kung saan siya dumalo sa APEC Meeting. Makahulugan ang isasalubong na rally sa kanyang pagdating. Napakalaking bagay nito sa ating kasaysayan.
Si Pangulong Digong ang nagpahintulot na ilibing ang labi ni dating Pangulong Marcos sa Libingan Ng Mga Bayani (LNMB). Ayon sa SWS survey, 86% ng mamamayan ay kuntento sa ginagawang pakikidigma ng Pangulo laban sa ilegal na droga. Kamakailan, inihayag niya na ngayon lang niya nalaman na napakalaki ng problema ng bansa sa droga. Nagbanta siya na sususpendihin ang writ of privilege of habeas corpus upang maging epektibo ang gobyerno sa paglaban sa droga.
Bukod dito, sa pakikipagpulong niya sa mga mambabatas sa Malacañang kamakailan, nasabi niya, ayon kay Sen. Vic Sotto, na hindi sapat ang martial law sa laki ng problemang ito sa droga.
Ang binabalak na mga paraan ni Pangulong Digong sa pagsugpo niya sa droga ay ginawa na mismo ni Marcos noong ito ay Pangulo. Mahina na noon si Marcos sa taumbayan dahil hindi na halos makagalaw ang kanyang gobyerno upang lunasan ang kahirapan ng mamamayan. Paano kasi, upang manalo lang sa kanyang re-election, inubos niya ang salapi ng bayan. Pero, nagawa pa rin niyang suspendihin ang privilege of the writ of habeas corpus at magproklama ng martial law dahil kailangan daw niyang sagipin ang bansa laban sa komunista.
Kung noong panahong iyon, mahina na nga sa mamamayan si Marcos, nagawa pa niyang suspendihin ang privilege of the writ of habeas corpus at ideklara ang batas militar, hindi kaya napakadaling gawin ni Pangulong Digong ang mga ito sa kanyang giyera laban sa droga? Ipinahihiwatig na niya na grabe ang problema ng bansa sa droga at nasa likod niya ang 86 na porsiyento ng mamamayan na sumasang-ayon sa ginagawa niyang pagsugpo rito, kaya naman siya lang ang makapipigil sa kanyang sarili upang hindi siya mag-ala-Marcos. Bagamat ang mga walang patumanggang pagpatay na nagaganap ngayon sa kanyang panahon, laban sa umano’y mga sangkot sa droga na nanlaban daw, ay pangkaraniwan nang kaganapan noong martial law.
Kaya napakahalaga ng ikinasang rally laban sa Marcos burial sa kanyang pagdating. Kasi, nang isama si Marcos sa mga nakalibing na sa LNMB, isinaalang-alang pa rin na siya ay bayani na puwedeng tularan ang halimbawa.
Ang pagtutol sa Marcos Burial sa LNMB ay pagtutol sa kanyang pagbabalik, pagtutol sa kahit sinong taong mamumuno na gayahin ang kanyang halimbawa. Ipamumukha kay Pangulong Digong ng sasalubong sa kanyang rally na nakahandang lumaban ang bayan upang huwag nang bumalik ang kanilang mapait na naranasan sa pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan.
(Ric Valmonte)