“TAO lang si Pangulong Marcos na nagkamali tulad natin,” ayon sa Korte Suprema kaugnay sa desisyong kinakatigan si Pangulong Digong na ilibing ang dating Pangulo sa Libingan ng mga Bayani (LNMB). Sa pag-abuso raw niya sa karapatang pantao at katiwalian, huwag nang isaalang-alang na siya ay Pangulo at Commander-in-Chief, pero hindi puwedeng ipagkait sa kanya ang karapatang kilalanin siya batay sa mga ibang posisyong tinanganan niya at sa mga karangalan tinanggap niya. Dahil dito, tama lang daw na tingnan at husgahan siya sa kanyang kabuuan bilang tao. Maaaring hindi raw siya naging magandang pinuno, hindi naman siya masama.
Ang alam kong inililibing sa LNMB ay iyong mga nakapaglingkod sa bayan. Ang kanilang halimbawa ay maipagmamalaki ng kanilang iniwang henerasyon at higit sa lahat ay puwedeng tularan. Naglingkod sa bayan si Pangulong Marcos, pero puwede ba siyang ipagmalaki at tuluran ng kanyang mga iniwang henerasyon? Totoo, may mga posisyong tinanganan siya at may mga karangalang tinanggap, pero hindi sapat ang mga ito upang ihimlay ang kanyang labi sa LNMB. Kung totoong naglingkod siyang sundalo, hindi siya maihahalintulad sa mga sundalong nakalibing na sa LNMB. Ang mga posisyon niya sa gobyerno ay ipinagkaloob sa kanya ng taumbayan. Dahil naging sundalo siya at pinagkatiwalaan siya ng kanyang mamamayan, nanaig sana sa kanyang puso at diwa ang pagmamahal niya sa bayan at kanyang mamamayan. Ang problema, pinagtaksilan niya sila. Hindi lang iyong inagawan niya ng kapangyarihan ang kanyang mamamayan kundi ginamit pa niya ito laban sa kanila. At sa napakalupit na paraan.
Ang gobyerno ay sa taumbayan. Pinuhunan ito ng dugo ng ating mga ninuno upang maitatag at magamit nila para sa kanilang ikaliligaya at ikabubuti. Sa ilalim ni Pangulong Marcos, ginamit niya ang gobyerno para sa kanyang pansariling kapakanan. Ginutom niya ang sambayanan. Ang mga nagtangkang ibalik sa katinuan ang kaayusan ng pamamahala upang ang biyaya ng bansa ay pakinabangan ng lahat ay nangamatay, nangabuwal at nangawala. Dinilig ng dugo at luha ang inang bayan. Karamihan ay dugo ng mga dukha, magsasaka at manggagawa dahil sila ang masyadong ginutom ng ganid at maling pagpapatakbo ng gobyerno. Iyong nakawan mo nga naman sila ng bilyun-bilyong piso.
Ginasgas nang lubusan ng Korte Suprema, sa kasong ito ng paglilibing ni Marcos sa LNMB, ang katwirang “sapagkat tayo ay tao lamang.” Ang ginawa niya na sapilitang ilagay sa kanyang palad ang kapalaran at buhay ng kanyang mamamayan, at ang mga hindi pumapayag dahil kahit saan tingnan ay mali ay nangabuwal na lang sa kadiliman, ay hindi wastong pagbigyan sa katwirang ito. Lalong hindi katwiran ito para tularan ang kanyang ginawa. (Ric Valmonte)