gabby-concepcion-pilot-1-copy

HINDI na kami magugulat kung maging isa sa favorite role and character ni Gabby Concepcion ang gagampapan niya sa Afternoon Prime na Ika-6 Na Utos dahil dream niyang maging piloto.

Kung hindi naging artista, tiyak na nagpapalipad daw siya ng eroplano ngayon.

Iba ang excitement ni Gabby sa kanyang role sa bagong teleserye sa GMA-7, kaya sa pictorial pa lang at sa taping, kitang-kitang ganado siya. Masaya nga raw siya ‘pag nagti-taping sila sa Terminal 2 ng NAIA ‘tapos naka-pilot uniform pa siya.

Trending

Co-founder ng Lola Nena’s nagsalita sa isyu ng ‘working lunch’ video

“Ang kulang na lang, magpalipad na ako ng eroplano. Ang sarap ng feeling, kaya sobra akong thankful sa GMA-7 for making one of my dreams come true. Maraming first sa akin ang teleseryeng ito. Gaya ng first time kong gaganap na piloto. First time kong afternoon soap ito at first time kong makapareha si Sunshine Dizon,” panimula ni Gabby.

Siya na rin ang nagpaalala na una niyang nakasama si Sunshine sa pelikulang Huwag Kang Hahalik Sa Diyablo when the actress was six or seven years old, ngayon, kapareha na niya at gaganap pang asawa niya.

“Naabutan pa niya ako, nakakagulat... nakakatuwa. I consider this a blessing to me and my career. Isama na ring blessing for me to work with Direk Laurice Guillen. Magugustuhan ng viewers ang story ng Ika-6 Na Utos, maganda ang story nito,” dagdag pa ni Gabby.

Naikuwento rin ni Gabby ang ‘di sinasadyang pagkikita nila ni Sharon Cuneta sa isang event sa PICC, nagbatian sila at bineso niya ang ex-wife.

“Ako ang lumapit at bumeso sa kanya. Biniro ko siya kung kailan kami magsisimulang mag-shooting ng movie. Hindi ko alam kung ano ang plano ng mga producer. I’ll never say no to that project dahil ang daming fans na naghihintay. Sana matuloy na,” wish ni Gabby.

Nauna nang nag-pilot ang Tsuperhero na isa pang show ni Gabby sa GMA-7, na pulis na ninong naman ni Derrick Monasterio ang kanyang role. Napapanood ito every Sunday, kaya ‘pag umere na ang Ika-6 Na Utos, Sunday to Friday na siya mapapanood ng kanyang fans. (NITZ MIRALLES)