Aprubado ng Senado ang P203 milyon pondo ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa taong 2017.
Ang naturang pondo na magmumula sa General Appropriations Act (GAA) ay nakatuon sa grassroots sports development programa ng PSC kabilang ang pagtatayo ng Philippine Sports Institute (PSI).
“Nagpapasalamat kami sa Senado at naunawaan nila yung mga pangangailangan natin, higit at sinisimulan na natin ang pagtatayo ng PSI. Ito ang programa na magiging pundasyon nang ating mga elite athletes,” sambit ni PSC chairman William Ramirez.
“Hindi man sakto sa proposed budget natin na P223.17 milyon, okey na ito para sa ating mga atleta,” sambit ni Ramirez.
Ang pondo ay gagamitin din para suportahan ang kampanya ng bansa sa paglahok sa iba’t-ibang torneo sa abroad.
Ilan sa mga nakatakdang suportahan ng PSC para sa sports program nito sa 2017 ang paglahok ng bansa sa kada dalawang taong 29th Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia, BIMP-EAGA, Batang Pinoy at ang Philippine National Games.
Maliban sa GAA, nakakuha rin ang PSC ng pondo sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at iba pang ahensiya tulad sa PhilRacom base sa mandato nito sa batas na nagbuo dito na Republic Act 6847. (Angie Oredo)