Pau Gasol,Tony Parker,Justise Winslow

Heat, nanlamig sa Spurs; Rockets sumambulat.

SAN ANTONIO, Texas (AP) – Naisalba ng Spurs ang matikas na ratsada ng Miami Heat sa krusyal na sandali para maitakas ang 94-90 panalo nitong Lunes (Martes sa Manila) sa AT&T Center.

Pinangunahan ni LaMarcus Aldridge ang hirit ng Spurs sa kaagahan ng laro sa naiskor na 18 puntos mula sa 8-of-9 shooting para sa 17 puntos na bentahe sa halftime.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Umeksena si Pau Gasol sa third period para mapanatili ang bentahe ng Spurs sa 71-60 tungo sa final period, bago nagpakatatag sa 14 puntos na abante may anim na minuto ang nalalabi sa laro.

Ngunit, bumalikwas ang Heat, sa pangunguna ni Dion Waiters, pumalit sa starting point ng na-injured na si Goran Dragic, sa naiskor na siyam na puntos sa 11 straight point ng Miami para maidikit ang iskor sa 83-87 may 1:55 sa laro.

Nagawang mapigil ng Spurs ang huling kabig ng Heat, habang naisalpak ang krusyal na free throws para sa 91-83 bentahe may 25 segundo ang nalalabi.

Nanguna sI Kawhi Leonard sa Spurs (8-3) sa natipang 24 puntos at 12 rebound, habang kumana si Gasol ng 12 puntos at nag-ambag si Tony Parker ng 11 para walisin ng San Antonio ang season series kontra sa Miami.

Hataw sa Heat si Waiters sa nakubrang game-high 27 puntos, habang umiskor si Hassan Whiteside ng 23 puntos at 17 board.

ROCKETS 115, SIXERS 88

Sa Totoya Center, nagdiwang ang home crowd sa dominanteng panalo ng Houston Rockets, sa pangunguna ni James Harden na tumipa ng 23 puntos sa first quarter, kontra Philadelphia Sixers.

Napantayan ni Harden ang franchise record para sa pinakamaraming puntos sa isang period na naitala ni Yao Ming noong Disyembre 26, 2006 kontra Washington Wizards.

Hataw si Harden sa kabuuang 33 puntos, tampok ang apat na three-pointer, siyam na assist at pitong rebound, habang kumubra sina Trevor Ariza at Eric Gordon ng 17 at 16 marker, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna si Joel Embiid sa Sixers sa natipang 13 puntos at 10 rebound, habang si Ersan Ilyasova ay may 13 marker.

PISTONS 104, OKLAHOMA CITY 88

Napanatili ng Detroit Pistons ang malinis na karta sa home game nang gapiin ang Oklahoma City Thunder.

Ratsada si Tobias Harris sa naiskor na 22 puntos para sa Pistons, naglaro na wala ang star player na sina Reggie Jackson at Andre Drummond sa injury.

Nag-ambag si Kentavious Caldwell Pope ng 17 puntos para sa ikalimang panalo sa anim na laro sa home game.

Nagtala ng 33 puntos at 11 rebound si Russell Westbrook, ngunit hindi ito sapat para makatakas ang Thunder sa ikaapat na sunod na kabiguan.

Nalimitahan naman sina starting forward Steven Adams sa 11 rebound at apat na puntos, habang tumipa sina Jerami Grant at Enes Kanter ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

KNICKS 93, MAVS 77

Sa Madison Square Garden, nalimitahan ng New York Knicks ang starter ng Dallas Mavericks para sa low-scoring match.

Hataw si Carmelo Anthony sa naiskor na 31 puntos para sa ikaapat na panalo sa 10 laro ng Knicks.

Nag-ambag si Kristaps Porzingis ng 24 puntos.

Hindi nakalaro sa Mavs si one-time MVP Dirk Nowitzki bunsod ng pamamaga ng kanang Achilles tendon.

Samantala, pinabagsak ng Indiana Pacers ang Orlando Magic, 88-69.