ANG Miss Universe pageant na idaraos sa Maynila sa Enero 20, 2017, ay isang magandang oportunidad upang makaakit ng mas maraming turista sa mundo ang Pilipinas. Inihayag ng Department of Tourism ang mga plano nitong dalhin ang pinakamagagandang babae sa mundo sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang na sa Cebu, Iloilo, Legazpi, Davao, at Palawan.
Ang mismong pageant ay idaraos sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa dulong katimugan ng Roxas Boulevard, ngunit may espesyal ding inihahanda sa Intramuros, Maynila, na nasa dulong hilaga naman ng boulevard.
Ang Mall of Asia at ang maraming bagong hotel, casino, at iba pang naglalakihang negosyo sa katimugan ay bagong parte ng Metro Manila na mabilis na pinauunlad sa lupaing nabawi mula sa Manila Bay. Samantala, ang Intramuros ay bahagi ng makasaysayang siyudad ng Maynila, kung saan orihinal na nakikipagkalakalan ang mga tribung Tagalog at Kapampangan sa mga negosyante mula sa China, India, at sa kalapit na Indonesia at Malaya. Sa bukana ng Ilog Pasig, itinayo ng mga mananakop na Espanyol ang kanilang Walled City noong ika-16 na siglo.
Pinagaganda ngayon ng Department of Tourism ang Intramuros bilang sentro ng kasaysayan at kultura. Ang Maestranza Park sa tabi ng Fort Santiago sa may Ilog Pasig ay gagawing lugar na pagdarausan ng mga konsiyerto at iba pang kultural na pagtatanghal. Isinasaayos ang mga kalsada at bangketa upang maging mas madali para sa mga turista ang paglilibot. Noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol ay mayroong walong simbahan sa Intramuros, ngunit karamihan sa mga ito ay nawasak ng mga lindol at pambobomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tanging ang Manila Cathedral at ang San Agustin Church ang natira.
Ang malawak na pader, na may pitong balwarte at walong lagusan, ang kaibahan ng Intramuros sa iba pang dayuhin ng mga turista. Napakarami nating isla dahil na rin sa likas na ganda ng ating mga dalampasigan, lawa at ilog, ngunit mayroon din tayong makasaysayang Intramuros.
Sa ginagawang mga pagpapaganda sa Intramuros, nagpasya ang mga opisyal ng Maynila na ayusin at pagandahin din ang karatig nito, ang ilang siglo nang distrito ng Binondo, na naging Chinatown na ng Maynila, ‘di hamak na mas matanda sa mga Chinatown ng San Francisco at New York.
Sa idaraos na Miss Universe pageant sa bansa, magkakaroon ng mahalagang papel ang ating si Pia Alonso Wurtzbach sa Miss Universe, sa pagpuputong niya ng korona sa bagong reyna. Isa itong pagsasama-sama ng pinakamagaganda at pinakanatatangi sa Pilipinas — ang ating mamamayan, ang ating mga isla, at ang ating kasaysayan — na buong pagmamalaki nating ipakikita sa mundo sa Enero.