LONDON (AP) — Lubhang mabigat ang hamon kay Andy Murray, ngunit, matikas na nalagpasan ng Bristish tennis star ang agam-agam sa kanyang unang laro bilang world top ranked player.

Sa harap ng nagbubunying kababayan, matikas na nakihamok ang Wimbledon champion sa ATP final event nang biguin si Marin Cilic, 6-3, 6-2,nitong Lunes (Martes sa Manila) sa O2 Arena.

“It was obviously nice to play in that stadium with the crowd like that. It obviously helps,” pahayag ni Murray.

“After a long, kind of, few months, it’s nice to know that I’m going to be finishing the year playing in that sort of atmosphere.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakuha ni Murray ang pagiging No.1 nitong nakalipas na linggo matapos mabigo si Novak Djokovic na makausad sa quarterfinals. Ngunit, may pagkakataon ang Serbian star na maagaw muli ang top ranking, sakaling makausad ito sa finals.

“The last few days, I haven’t thought about it too much. It didn’t change much for me,” sambit ni Murray.

At sa kabila ng pressure, hindi rin nito naapektuhan ang kanyang husay para manalo sa laro.

Napagwagihan ni Murray ang walong titulo ngayong season, kabilang ang Wimbledon nitong Hulyo at ikalawang sunod na Olympic gold nitong Agosto sa Rio, Brazil. Nagwagi rin siya sa torneo sa Beijing, Shanghai, Vienna at Paris.