DAHIL sa mahusay na pamamahala at sa maayos na City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), ang pamahalaang lungsod ng Antipolo, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares, ay Bronze awardee ng Gawad Kalasag 2016.
Ipinagkaloob ang nasabing award ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Los Baños, Laguna kamakailan. Pinarangalan ang Antipolo City dahil sa ipinakitang mga kagamitan at plano sa paghahanda para sa kaligtasan ng mga Antipolenyo tuwing magkakaroon at pagkatapos ng mga sakuna at kalamidad.
Sa bahagi ng pahayag ni Antipolo City Mayor Jun Ynares, sinabi niya na: “Hindi po natin makakamit ang parangal na ito kung hindi dahil sa mga kawani ng CDRRMO sa walang kapaguran at pag-uukol ng kanilang mga sarili sa oras ng pangangailangan. Pinasasalamatan ko ang pagpapakita nila ng kahandaan at mabilis na mga pagkilos upang maiwasan ang panganib at mapanatiling ligtas ang ating mga mamamayan. Patuloy ang pamahalaang lokal sa pagpapaunlad at pagsasanay sa ating mga kawani ng kaligtasan para sa kapakanan ng mga Antipolenyo.”
Ang Lungsod ng Antipolo ay kabilang sa napiling lungsod sa Calabarzon na nabigyan ng field evaluation ng DILG. Napuri ang lungsod sa environmental management, engineering effects at mga safety measure nito pagdating sa sakuna at kalamidad. Naging dagdag puntos din ang pinalawak na relocation program upang ilayo ang mga mamamayan sa kapahamakan.
Ang CDRRMO ay nakapagbigay at nakapagdaos na ng may 70 seminar tungkol sa disaster preparedness sa mga business establishment, mga paaralan, barangay at mga subdivision sa Antipolo. Kasama rin dito ang pagkakaroon ng mga drill bilang paghahanda sa “The Big One” na maaaring mangyari anumang oras. Ang tinutukoy ay ang paggalaw ng Marikina valley fault, tinutukan din ng CDRRMO ang mga lugar sa Antipolo na madaling bahain at magkaroon ng landslide upang masiguro na ligtas ang mga malalapit na residente. Ang pormal na awarding ceremony ng Gawad Kalasag ay gagawin ngayong Nobyembre.
Samantala, tumanggap ng P3.2 milyon halaga ng scholarship grant ang panibagong Iskolar ng Antipolo (INA) mula sa pamahalaang lungsod. Ang pagkakaloob ay ginawa sa 5th Scholarship Grant Distribution na idinaos sa Ynares Center.
Umabot sa 596 ang bagong iskolar ng Antipolo. Kabilang sa mga nakatanggap ay ang... mga iskolar na nasa unang taon ng kolehiyo habang ang mga mag-aaral sa Antipolo City Science High School ay tumanggap ng transportation allowance.
Halos nasa P70 milyon taun-taon ang naipamamahagi sa may 7, 700 mag-aaral para sa scholarship program ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Antipolo City Mayor Jun Ynares, hindi magsasawa ang pamahalaang lungsod na tulungan ang masisipag at masisikhay na iskolar upang makamit nila ang kanilang pangarap. (Clemen Bautista)