Sinamantala ng riding-in-tandem ang pagsisiyesta ng isang pedicab driver sa loob ng kanyang pedicab para maisagawa ang planong pagpatay sa huli sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Nagawa pang makatakbo ni Arturo Quinto, 47, ng 280 Padre Rada Street, Tondo, ngunit hinabol at binaril siya sa ulo ng mga ‘di pa nakikilalang suspek.

Sa report ni SPO2 Richard Escarlan, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 5:45 ng hapon nangyari ang pamamaril sa Lualhati St., sa kanto ng Zabala St., Tondo.

Ayon kay Escarlan, natutulog ang biktima sa loob ng kanyang pedicab nang lapitan ng mga suspek na lulan sa isang ‘di naplakahang motorsiklo at tinutukan ng baril.

Metro

Lalaki, patay matapos makuryente sa power transformer

Naalimpungatan naman ang biktima at nagawa pang makababa sa kanyang pedicab at kumaripas ngunit hinabol siya ng mga suspek at binaril.

Nang makitang bumulagta na ang biktima ay kaagad na ring tumakas ang mga suspek.

Isinugod pa ang biktima sa ospital ngunit patay na ito. (Mary Ann Santiago)