PINANANATILING pribado ni Paulo Avelino ang kanyang personal affairs. Kaya paiwas pa rin ang ang mga sagot niya nang tanungin sa presscon ng The Unmarried Wife kung may karelasyon siya ngayon.
“Yeah, I’m currently dating. But I won’t give any specific. It’s nice to see people also and make you realize na malaki ang mundo,” pahayag ng aktor.
Sa tagal ng pagiging single, hindi na raw niya matandaan ang huli niyang pakikipag-date.
“Hindi ko nga maalala pero dumating ‘yung motor ko mga May… simula nu’ng May pa ako napapasaya ng motor ko,” sabi niya, sabay tawa.
“In love ako sa mga motor ko at sa trabaho,” paulit-ulit niyang banggit.
If ever man daw na may karelasyon siya sa ngayon, gusto niya itong isekreto na publiko.
“Siyempre, gusto rin naman, nating lahat, ng tahimik na buhay, pero ayoko lang na may mga nadadamay at mga naapektuhan na… O baka may maapektuhan sa hindi magandang paraan,” katwiran ng actor.
In fairness, kahit malihim sa kanyang love life, among Kapamilya actors ay isa sa hindi nawawalan ng assignments si Paulo, sa TV man o sa movie.
“Actually, nagugulat nga rin ho ako, eh, kung bakit ganito ako ka-blessed ngayon. I think ‘yung dedication and passion ko sa work ang dahilan kung bakit ngayon nandito ako at hanggang ngayon nako-consider ako sa proyekto dito sa ABS at pati sa pelikula na rin,” sey pa ni Paulo. (ADOR SALUTA)