banana-sundae-barkada-copy

TOUCHING ang nalaman naming pagbibigay ng importansiya ng cast ng Banana Sundae sa kanilang kasamahan.

Pigil ang emosyon ni Jobert Austria nang humarap sa reporters at maungkat ang kanyang dating bisyo, ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Sa 8th anniversary presscon ng Banana Sundae sa 9501 Restaurant ng ABS-CBN, malaya niyang sinagot ang dating bangungot sa kanyang buhay.

Human-Interest

KILALANIN: Mga alkalde ng Metro Manila na nasa huling termino na

“Hindi naman po lingid iyon sa mga tao dahil na-news naman po talaga iyon, di ba? Nag-drugs po ako nang matagal, kaya nga po ako nawalan ng trabaho,” tukoy niya sa kanyang pagkawala sa Banana Sundae.

“Hindi ko naman po itinatago iyon… puwede akong maging ehemplo ng mga ibang gumagamit, na kaya palang magbago dahil suportado nga ako ng mga tao.”

Sa birthday message para sa kanya ni Angelica Panganiban, sinabi ng aktres na bilang kaibigan ay handa itong ibuwis ang buhay para sa kanya.

“Gano’n din po ako sa kanila, eh,” sagot naman ni Jobert. “Siguro mararamdaman mo naman iyon kung gano’n yung tao sa iyo. Siguro gano’n din ang gagawin mo ‘pag kaibigan mo.

“Nagpapasalamat ako kasi marami ang hindi nakakaalam na halos palagi kaming magkasama nu’n (Angelica), eh. Marami kaming napag-uusapan, hindi lang sa showbiz, pero bilang magkaibigan,” pahayag ng komedyante.

Muntik nang wakasan ni Jobert ang sariling buhay nang tangkain niyang tumalon sa mataas na gusali ng Sogo Hotel noong 2014 dahil aniya’y naka-drugs siya noon.

Salaysay ni Jobert, napariwara siya nang mula sa walang-wala ay bigla siyang nagkapera, masarap ang buhay.

“Napupunta ka sa ibang barkada, eh, sumasama ka sa mali, kaya hayun, mali nga ako,” aniya. “Natuto na ako, ngayon namimili na ako ng kaibigan.”

Nagising siya sa maling nagawa at muling naituwid ang direksiyon mula sa maling landas, at natutong maging responsable sa ibinibigay na mga biyaya sa kanya.

Labis-labis ang pasasalamat niya sa Banana Sundae Barkada na tumulong sa kanya para makapagbagong-buhay.

Tatlong taon bago pa man nahalal si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagbagong-buhay na siya at iniwanan ang masamang bisyo.

Ang nakakatuwa, sa Banana Sundae ay mismong si Jobert ang nag-i-impersonate kay Pangulong Duterte.

Hindi naman kaya ma-offend ang Pangulo sa kanyang panggagaya rito?

“Hindi naman ho siguro dahil komedyante rin naman ‘yun, eh. May pagkakomedyante rin naman iyon. At saka siguro, napapatawa ko rin naman siya,” napangiting sagot ni Jobert. “Pero ‘pag pinatawag po ako sa Malacañang, titigil ako,” sabay tawa.

Ikinuwento ni Jobert na pagkatapos niyang magpa-rehab ay muli siyang tinanggap sa programa at simula noon ay muling nagkaroon ng kulay ang kanyang career.

Nagpapasalamat si Jobert sa suporta ng kanyang co-stars na sina Angelica, John Prats, Pokwang, Pooh, Jayson Gainza, Badjie Mortiz, JC de Vera, Jessy Mendiola, Sunshine Garcia, at Aiko Climaco. Dahil nakatutok pala ang mga ito sa pagbabantay sa kanya.

“Kasi may mga mali po siyang nasasamahan, ganu’n,” kuwento ni Pooh. “Kaya kung gusto mong bumarkada, dito ka na lang, huwag ka nang lumayo,” payo raw nila rito.

“Dati kasi parang naka-isolate pa siya. Noong nag-start pa siya sa amin parang may sarili siyang mundo, ganu’n. Pero noong nakuha na namin siya, umokey na siya. Si Angelica, ‘yon ang nagbabantay sa kanya, marami. Lahat kami nagbabantay, kumusta, check, ganu’n.”

So, ito pala ang sekreto kung bakit masayang panoorin ang Banana Sundae, may malasakit ang lahat sa isa’t isa, at nakikita ito sa finished product nila.

(Editor’s note: Kung iisipin, hindi pa naman malaking artista si Jobert, pero itinuturing nilang para bang big star o superstar. Saludo!)

Para sa pagdiriwang ng ikawalong taon ng kanilang show, muli silang maghahandog ng concert sa kanilang fans at supporters, sa Kia Theater, sa Nobyembre 17.

Gagawing two-part special ang concert na mapapanood sa Nobyembre 20 at 27, pagkatapos ng ASAP sa ABS-CBN.

(ADOR SALUTA)