DALAWA na ngayon ang palamurang presidente sa mundo. Sila ay sina bagong-halal na pangulo ng US na si Donald Trump at President Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas. Gayunman, magkaiba ang kanilang mga background. Si Donald ay mayaman, bilyunaryo, matagumpay na negosyante na bitbit ang sandamukal na US dollar sa panahon ng kampanya. Si Mano Digong naman ay isang ordinaryong alkalde ng isang siyudad sa Mindanao, walang milyun-milyong pisong dala nang kumandidato sa panguluhan.

Magkapareho naman silang dalawa dahil kapwa mahilig sa babae (babaero), tulad din ni Russian Vladimir Putin na idolo ni RRD at hinahangaan din ni Trump. Mas malapit ang loob ni Trump kay Putin kaysa US Pres. Barack Obama na lagi niyang binabanatan noong panahon ng kampanya. Di ba’t binibira rin ni President Rody si Obama at sinabihan pang “Go to hell”?

Nagulat o na-shock ang mga Amerikano at maging ang mundo sa panalo ni Trump bilang ika-45 pangulo ng Estados Unidos laban kay Hilllary Clinton. Paborito si Hillary na manalo at maging sa mga polls survey ay siya ang nanguna kontra kay Trump na isang wealthy real estate developer at dating reality TV host.

Sa kanyang victory speech sa New York City, nanawagan si Trump na panahon na upang paghilumin ang mga sugat ng labanan at pagkakawatak-watak, at muling magkaisa bilang mga mamamayan ng US. Sinabi niyang siya ay magiging pangulo ng lahat ng mamamayan, republican, democrat, independence, at iba pa. Sabi niya:” It is time for us to come together as one united people. I will be president for all Americans.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kung noon ay minura niya si US Pres. Obama, ngayon naman ay inihayag ni Pres. Rody na umaasa siya sa magandang relasyon ng ‘Pinas at US sa ilalim ni President-elect Trump. Nang dumalaw siya sa Malaysia kamakailan, nagpahayag siya ng hangarin “for enhanced Philippine-US relations anchored on mutal respect, mutual benefit, shared commitment to democratic ideals and the rule of law.”

Mukhang nakatagpo ng katapat si Duterte kay Trump, kakaiba kay Obama na hindi marunong magmura. Naniniwala ang kaibigan kong palabiro pero sarkastiko na kapag minura niya si Mr. Donald, tiyak na babalikan siya ng mura nito.

Samantala, sinabi ni Senate Pres. Koko Pimentel na sa tagumpay ni Trump, dapat magbago na rin si Du30 sa pagtrato sa US. Sa panig ni Senate Minority Leader Ralph Recto, dapat nang tigilan ni RRD ang pagmumura sa US, UN at EU at umpisahan ang pakikipag-ayos sa matagal nang mga kaalyado, partikular ang US.

Walang pasubali, si Mano Digong ay palahanga sa magagandang tuhod, este babae pala. Inihayag niya ito sa paggunita sa ika-3 anibersaryo ng Typhoon Yolanda sa Leyte. Galit at nagmumura dahil hanggang ngayon ay bilyun-bilyong piso na ang nagastos sa pagtatayo ng mga bahay para sa mga biktima matapos ang 3 taon, napagbalingan niya si VP Leni na naroroon din sa okasyon. Binanggit niya na maganda at maputi ang tuhod ni Robredo, at tinanong pa niya kung ito ay may BF na.

Nagbibiro lang daw siya upang pakalmahin ang sarili sa galit at patawanin ang mga mamamayan. Gayunman, ang biro palang ito ay hindi nagustuhan ng mga tao. Insulto raw sa kababaihan! (Bert de Guzman)