Pinawi ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang pangamba ng ilang manggagawang Pilipino na ang pagkakapanalo ni United States (US) President-elect Donald Trump ay maaaring mauwi sa mass displacement.

Sinabi ni DoLE Secretary Silvestre Bello III na naniniwala siyang mananatiling interesado ang bansa sa US investors sa ilalim ng administrasyon ni Trump dahil sa mga reporma na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, ang kampanya ni Duterte laban sa kurapsiyon at pananatili ng peace and order ay lumikha ng paborableng “climate” para lumago ang mga negosyo.

“The President has provided all the business establishments local and foreign, the right climate for the conduct of the business...They did not come here to be involved in politics. For them as long as the climate is there for the conduct of their business they will stay,” sinabi ni Bello sa isang panayam.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

“I am sure, some of the Americans will prefer to have their jobs here. As long as we continue to provide them with a lower cost, better atmosphere and safer atmosphere, they would come here,” dagdag niya.

Ayon naman kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Cacdac, napakaaga pa para malaman ang epekto ng pagkakapanalo ni Trump sa employment prospects ng overseas Filipino workers (OFW).

Gayunman, inihayag niya na naniniwala siya na ang OFWs na nakabase sa US ay patuloy na magugustuhan ng American firms dahil sa kanilang katangi-tanging dedikasyon sa trabaho.

Kung sakali mang maapektuhan ng labor policy ni Trump ang ilang OFW, sinabi ni National Reintegration Center for OFWs Director Chona Mantilla na nakahanda ang pamahalaan na magkaloob ng assistance sa pagbibigay ng trabaho at sa skills training.

Pinawi rin ng DoLE ang mga agam-agam na ang pagkakapanalo ni Trump ay mauuwi sa pag-alis ng US investments sa business process outsourcing (BPO), na sa kasalukuyan ay isa sa top employment generator sector sa bansa.

(Samuel P. Medenilla)