PINABORAN ng Korte Suprema na mailibing sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) si dating Pangulong Ferdinand Marcos na halos 27 taon nang nakalagak sa isang refrigerated crypt sa musoleo ng pamilya Marcos sa Batac, Ilocos Norte. Sa botohan ng mga mahistrado na 9-5 habang isa ang nag-abstain, nabasura ang pitong petisyon ng mga kontra sa paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City. Bunga ng desisyon ng SC, inalis na rin ang status quo ante order na inisyu noong Agosto 25 na naging dahilan upang mapigil ng ilang buwan ang paglilibing. Ang mga petitioner ay may 15 araw para magharap ng kanilang motion for reconsideration sa pasya ng Korte Suprema.
Bago ibinaba ang desisyon, ang mga Marcos loyalist, kasama ang anak ni dating Pangulong Marcos na si Ilocos Norte Governor Imee Marcos, ay nag-vigil at todo-dasal sa harap ng gusali ng Korte Suprema. Nag-rally naman ang mga kontra sa paglilibing kay Marcos. Madidilat ang mga titik sa hawak nilang mga placard at streamer ang mga salitang “Marcos is not a Hero”, “Marcos; Hitler, Plunderer, Diktador, Violator of Human Rights!”, “Marcos; No, sa Libingan ng mga Bayani”.
Matapos basahin ang desisyon ng Korte Suprema na pinayagan na mailibing si dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani, nagbunyi ang mga Marcos loyalist, lalo na si Ilocos Norte Governor Imee Marcos. Nagpasalamat siya sa Korte Suprema. Nanawagan ng pagkakaisa at hiniling na patawarin na ang kanyang ama sa mga ginawa nito sa bansa sapagkat siya’y tao lamang. Halos madismaya naman at maiyak ang mga kontra sa paglilbing sa diktador.
Sa desisyon ng Korte Suprema, ang nakararami sa mga mahistrado ay hindi nakakita ng malabis na abuso sa pag-uutos ni Pangulong Duterte na mailibing sa LNMB at sa kabila naman na nagmalabis si Marcos sa karapatan pantao, hindi matatanggihan ng Korte na kilalanin ang mga posisyong kanyang hinawakan at natanggap na parangal. Dating Pangulo, military personnel, beterano at Medal of Honor awardee. Walang batas na nagbabawal na ang isang naging Pangulo at kawal ay maaaring ilibing sa LNMB.
May iba’t ibang reaksiyon ang ating mga kababayan sa desisyon ng Korte Suprema May nagsabing ipinagkanulo ang marangal na tradisyon ng Korte at ang buhay na diwa ng Konstitusyon. Nawala ang sense of patriotism ng mga mahistrado. Nakalulungkot. Mababago ang kasaysayan sa paglilibing kay Marcos sa LNMB. Magiging bayani si Marcos kahit magnanakaw.
Ayon naman kayAlbay Rep. Edcel Lagman, ang desisyon ng Korte Suprema ay hindi kailanman patungo sa paghihilom kundi lalong nagliliwanag na kawalang-katarungan sa mga biktima. Ang kanyang kapatid at mga desaparacidos na dinukot noong martial law ay hindi man lamang nagkaroon ng mga panandang ang kanilang libingan, habang ang nagpahirap sa kanila ay bibigyan ng parangal sa LNMB.
Sa pahayag naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, “I am puzzled and hurt and in great grief. It calls for greater courage to make full truth of the dictatorship known Marcos is no hero. He should not be presented as one. During martial law, he had, made many people suffer by arbitrary torture and death. He had deprived many people of their basic need while his family and cronies were enriched. We do not forget this.” (Clemen Bautista)