Warriors at Clippers, namamayagpag sa West.
CALIFORNIA (AP) – Lumambot din ang pulso ni Klay Thompson para pangunahan ang opensa ng Golden State Warriors tungo sa dominanteng 116-95 panalo kontra Dallas Mavericks sa Oracle Arena nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Naisalpak ni Thompson ang unang pitong basket para sandigan ang 19 puntos na bentahe ng Warriors sa first period.
Nakisalo sina Kevin Durant, Stephen Curry at Draymond Green sa outside shooting para mahila ng Golden State ang bentahe tungo sa ikalawang sunod na panalo para sa 6-2 karta.
Nanguna si Durant sa naiskor na 28 puntos, habang kumana sina Curry at Thompson ng 24 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang hataw si Green sa 16 marker at 10 board.
Nanindigan sa Mavs si dating Warriors starter Harrison Barnes sa naiskor na 25 puntos. Hindi naman nakalaro sina star player Dirk Nowitzki, Deron Williams, Andrew Bogut, JJ Barea at Wes Matthews bunsod ng injuries.
Nag-ambag sina Justin Anderson at James Powell ng 16 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod sa Mavs (2-6).
CLIPPERS 111, BLAZERS 80
Sa Los Angeles, hataw si Blake Griffin sa natipang 22 puntos at 13 rebound, habang umiskor si Chris Paul ng 19 puntos sa panalo ng Clippers kontra Portland Trailblazers.
Tangan ng Clippers ang NBA-best record na 7-1.
Umabante ang Clippers sa pinakamalaking bentahe na 32 puntos par tuldukan ang three-game winning streak ng Blazer.
Tanging si Shabazz Napier ang Portland player na umiskor ng double digit sa 11 puntos.
Nalimitahan si Damian Lillard, ang NBA's second-leading scorer na may 32.8 puntos na average, at CJ McCollum, sa tig-walong puntos.
ROCKETS 101, SPURS 99
Sa San Antonio, naitala ni James Harden ang triple-double para sandigan ang Houston Rockets kontra Spurs.
Nagsalansan si Harden ng 24 puntos, 15 assist at 12 rebound para sa ikalimang panalo ng Rockets sa walong laro.
Nag-ambag si Ryan Anderson ng 20 puntos, habang kumubra sina Eric Gordon at Sam Dekker ng 15 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Muling maghaharap ang Rockets at Spurs sa Linggo (Lunes sa Manila).
Nanguna si Kawhi Leonard sa Spurs sa naiskor na 24 puntos.
RAPTORS 112, THUNDER 102
Sa Oklahoma City, ratsadang muli si NBA’s leading scorer DeMar DeRozan para ipatikim sa Thunder ang kauna-unahang kabiguan ngayong season sa sariling tahanan.
Hataw ang OKC sa 16-4 simula bago nakabawi ang Toronto mula sa opensa nina DeRozan at DeMarre Carrol.
Nakadikit ang Thunder sa 12-2 run.
Suns 107, Pistons 100
Pinangunahan nina Eric Bledsoe at Jared Dudley ang impresibong 107-100 panalo ng Phoenix Suns kontra Detroit Pistons.