Sinaklolohan ng Kagawaran ng Paggawa o DoLE ang may 847 overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Kuwait na hindi sumusuweldo, kung saan ibibigay umano ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang tulong ng mga ito, kasama na ang pagpapauwi sa bansa, ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III.
Ang mga OFW na nasa Kuwait ay karagdagan sa mahigit 10,200 distressed OFWs mula sa Riyadh, Al Khobar, at Jeddah na nabigyan na ng tulong ng pamahalaan.
Sinabi ni Bello na ang 847 OFWs ay hindi pa nakakatanggap ng sahod ng dalawa hanggang apat na buwan mula sa kanilang employer na Kharafi National KSC.
Sa bilang na ito, 773 ang laborer at 74 ang nasa supervisory, engineering, at administrative position.
Sa ulat ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Kuwait, nakipagpulong ang mga kawani ng POLO sa Kharafi National KSC upang pag-usapan ang paulit-ulit na problema sa pagkaantala sa pagbabayad ng sahod. - Mina Navarro