SA kanyang paghingi ng saklolo sa iba’t ibang sektor ng sambayanan kaugnay ng kanyang pakikidigma sa droga, kriminalidad at katiwalian, hindi na dapat magpaumat-umat si Pangulong Rodrigo Duterte upang pulungin ang Legislative, Executive Development Council (LEDAC) sa lalong madaling panahon. Mismong mga mambabatas at pribadong grupo ang naniniwala na ang naturang konseho ang marapat sangguniin hinggil sa pagbuo ng mga estratehiya sa paglutas ng mga problema na gumigiyagis sa gobyerno at sa lipunan; kabilang nga rito ang talamak na illegal drugs, kaliwa’t kanang pamamaslang at mga alingasngas na nag-ugat na nang malalim sa pamahalaan.
Hindi miminsang walang pangingiming inamin ni Pangulong Duterte na hindi niya kayang mag-isa ang paglutas sa nabanggit na mga problema. Nanawagan siya sa mga mambabatas na siya ay agapayanan sa pakikidigma sa mga drug user at pusher at sa mga drug lords na sinasabing kakutsaba ng ilang alagad ng batas at opisyal ng gobyerno. Tahasan din siyang nanawagan sa mga miyembro ng hudikatura na makatutulong din sa pagsugpo sa kasumpa-sumpang mga bisyo; malaking bagay ang pagpapabilis sa paglilitis at paggawad ng pasya sa drug cases.
Pati ang National Bureau of Investigation (NBI) ay pinakilos na rin ng Pangulo upang tugisin naman ang mga tiwali sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan; partikular dito ang Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at iba pa na sinasabing pinamumugaran hanggang ngayon ng mga mapagmalabis at mangungulimbat.
Ang naturang mga isyu ay walang alinlangang magiging paksa sa pagpupulong ng LEDAC na pamumunuan ng Pangulo sa Malacañang. Tulad ng isinasaad sa batas, ito ay binubuo ng mga miyembro ng Gabinete, mga Senador at Kongresista, at mga imbitadong lider sa larangan ng negosyo at seguridad. Inilalahad dito ang makabuluhang mga argumento at panukala na maaaring pagbatayan sa pagbalangkas ng mga batas sa Kongreso, at mga patakaran na ipatutupad naman sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Maaaring talakayin dito, ... halimbawa, ang sinasabing extrajudicial killings (EJK), pagbuhay sa death penalty at ang masalimuot na isyu tungkol sa tumatamlay na relasyon ng Pilipinas at United States, at iba pa.
Anupa’t ang pinag-isang kaisipan o collective minds ng mga dumalo sa LEDAC ay tiyak na magiging bahagi ng mga makatuturang patakaran para sa malinis at matinong pamamahala. (Celo Lagmay)