Nangyari na kahapon ang matagal nang pinakahihintay na paghaharap nina Pangulong Rodrigo Duterte at Moro National Liberation Front (MNLF) Founding Chairman Nur Misuari, makaraang magtungo kahapon ang huli sa Malacañang.

Sa pahayag sa media kahapon ng tanghali, sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na inatasan ng Pangulo si Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na sunduin ang dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor mula sa Jolo, Sulu makaraang suspendihin ang arrest warrant laban dito.

Binigyang-diin ang kanyang tiwala at respeto sa Pangulo, nangako naman si Misuari ng kanyang suporta sa pagsusulong ng gobyerno ng kapayapaan sa Mindanao.

“Allow me to reiterate my sense of gratitude to the President and my promise that should he need our cooperation in his campaign for peace, you can count on us Mr. President,” sinabi ni Misuari nang humarap sa Palasyo kahapon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inilarawan ni Misuari si Duterte bilang “a man who I respect and trust”, at idinagdag na hinding-hindi niya tatanggihan ang imbitasyon nito para sa usapang pangkapayapaan.

“I believe, as I say during the campaign, that he’s the single man who provide solutions to the problem of peace and order in our homeland,” ani Misuari.

Sinabi rin ni Misuari na siya ay “happy to be free again.”

Tinugon naman ito ng Presidente sa pagsasabing wala siyang intensiyong ipagdamot kay Misuari ang kalayaan nito: “I assure you, I said, as you have narrated, we will come up with the modality and then of course, how to place us in our proper homeland, our Mindanao, and that we will talk about the Bangsamoro Authority.”

Matagal nang wanted dahil sa kasong rebelyon kaugnay ng Zamboanga siege noong 2013, ipinag-utos ni Pasig Regional Trial Court Branch 158 Judge Maria Rowena San Pedro na huwag munang ipatupad ang arrest warrant laban kay Misuari.

Sinuspinde rin ng hukuman ang paglilitis sa nasabing kaso ng dating gobernador.

Tatagal ng anim na buwan ang suspensiyon sa pagpapatupad ng arrest warrant at paglilitis kay Misuari, na batay sa mosyon ng kampo ng huli na suportado ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process at Department of Justice (DoJ) upang mabigyang-daan ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa MNLF. (GENALYN KABILING at BETH CAMIA)