Hindi nakaligtas sa mga kamay ng mga magnanakaw ang bahay ng isang pulis matapos itong pasukin habang dumadalaw ang huli sa puntod ng kanyang mga kaanak sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Natangay ng mga ‘di pa nakikilalang suspek ang service firearm, pitaka at laptop ni PO1 Marlon San Diego, nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-District Headquarters Support Unit (DHSU), at residente ng 1419 Dizon Street, corner Bambang St., Tondo, Maynila.

Sa reklamo ni San Diego kay PO3 Rhyan Punzalan, ng MPD-Station 2, dakong 1:00 ng hapon nang umalis siya sa kanilang bahay at nagtungo sa Manila North Cemetery para dalawin ang puntod ng kanyang mga yumaong kaanak.

Gayunman, pagbalik niya dakong 10:18 ng gabi ay napansin niya na sinira ang padlock ng pintuan ng kanyang bahay at pagpasok sa loob nadiskubre niyang nawawala ang kanyang Glock 9 mm pistol Gen 4 na may serial number na PNP 6306, gayundin ang kanyang Acer laptop at pitaka na may laman na P1,500 at kanyang mga identification (ID) card.

Metro

Sec. Dizon, tiniyak maiibsan lagpas-taong baha sa Araneta, QC bago ang tag-ulan

Wala namang maibigay na detalye ang kanyang mga kapitbahay nang magtanong ang biktima kung may nakitang pumasok sa loob ng kanyang bahay. (Mary Ann Santiago)