Mahigit 250 gramo ng shabu, drug paraphernalia, isang .22 caliber revolver at mga bala ang nakumpiska sa anim na suspek, kabilang ang tatlong Korean, sa anti-drug operation ng pinagsanib na mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Quezon City Police District (QCPD) sa isang high end-condominium sa Rockwell, Makati City nitong Lunes ng gabi.
Iprinisinta kahapon ni acting NCRPO Director, Chief Supt. Oscar Albayalde sa mga mamamahayag ang mga naaresto na sina Isaac Kho, nagpakilala umanong intel officer ng National Intelligence Service ng South Korean government; Bang Kho Lam; Jin Taek Lee; Arvin Soriano; Jaybee Soriano; at Kathlyn Nonato.
Samantala nasugatan naman sa kamay si Senior Insp. Paterno Damondon matapos siyang sugurin ng saksak ng isa sa mga suspek sa gitna ng operasyon.
Matagumpay na nagalugad ng mga tauhan ng District Special Operations Unit at QCPD ang condo unit ng mga suspek sa Rockwell, at naabutan pa umano ang pagsisingit ng mga ito ng droga sa isang expanded envelope.
Narekober din sa mga suspek ang dalawang timbangan, isang lighter at 10 laptop computer.
Nabatid na ang grupo ng mga suspek ang nasa likod ng pagpapadala ng mga sulat at sign pen boxes na may nakatagong droga, na ipadadala naman sa iba’t ibang lugar sa South Korea at Amerika.
Apat na sachet o pakete ng shabu ang pinakamaraming nailalagay sa mga ipinadadalang envelope.
Inamin naman ng isa sa mga Korean na galing sa isang Chinese mula sa Cambodia ang supply nila ng shabu, na pinagdududahan naman ng mga awtoridad dahil may lokal na supply ng shabu sa Pilipinas.
Umaabot sa 100 gramo ng shabu ang naipupuslit ng grupo sa South Korea kada buwan at kumikita sila ng P400,000-P600,000 sa bawat transaksiyon.
Malaki ang hinala ng mga pulis na miyembro ng sindikato ng droga ang mga naaresto, na kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal possession of firearms and ammunitions. (Bella Gamotea)