NAGBIBIYAHE ngayon ang mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa—mula sa lugar ng kanilang trabaho patungo sa kani-kanilang lalawigan kung saan nakatira ang kanilang mga kamag-anak. Ang maraming pagbiyaheng ito ay bahagi ng Undas, na kumbinasyon ng mga relihiyosong rituwal at tradisyong kultural, kapag ang buong pamilya na nakatira na ngayon sa iba’t ibang lungsod ay nagbibiyahe sakay ng bus, ng kotse, ng barko, o ng eroplano pauwi sa kani-kanilang lalawigan.
Sa mga susunod na araw, partikular na sa Nobyembre 1 at 2, bibisitahin nila ang puntod ng kanilang mga kaanak sa mga sementeryo, magsisindi ng kandila at mag-aalay ng panalangin. Ngunit sasamantalahin din nila ang mga araw ng bakasyon na ito upang makipaghuntahan sa mga kamag-anak o makipagkumustahan sa mga kababata at balikan sa alaala ang mga sandaling ginugol nila sa probinsiya.
Ngayong taon, idineklara ang Oktubre 31 bilang isang public holiday, pinag-uugnay ang weekend sa mga opisyal na holiday na Martes, Nobyembre 1, Todos Los Santos, at ang religious holiday na Araw ng mga Kaluluwa sa Martes, Nobyembre 2. Semana Santa ang isa pang mahabang bakasyon na nagkakaroon ng panahon ang mga Pilipino upang magsipagbiyahe pauwi sa mga lalawigan.
Sa nakalipas na mga araw, naging abala ang mga Pilipino sa paglilinis at pagpipinta sa mga puntod ng kanilang mga kaanak. Ang Nobyembre 1 ay Araw ng mga Santo sa kalendaryo ng Simbahan, iniaalay sa lahat ng nakapagtamo ng beatific vision, habang ang Nobyembre 2 naman ay Araw ng mga Kaluluwa. Ngunit sa tradisyong Kristiyano ng mga Pilipino, ang paggunit sa mga namayapang mahal sa buhay ay maaaring gawin sa alinman sa mga araw na ito, at sa katunayan, maaaring ipagpatuloy kahit sa buong buwan ng Nobyembre.
Ang Undas ngayong taon ay dapat na magkaloob ng oportunidad sa lahat upang pansamantalang kalimutan ang maraming problema at usapin na nagsulputan kamakailan kasabay ng pagsisimula ng bagong administrasyon. Lalo nang ang mga araw na ito ay dapat na magbigay sa atin ng pahinga mula sa perhuwisyong trapiko na naging bahagi na ng pang-araw-araw na buhay sa Metro Manila.
Maraming iba pang usapin ang naging umani ng atensiyon ng bansa sa nakalipas na mga linggo at buwan, kabilang na ang mga pagbisita ni Pangulong Duterte sa China at Japan at ang ipinupursige niyang magkaroon ng mas nagsasariling polisiyang panlabas, isang hindi masyadong nakadepende sa United States. Ang paggunita natin sa Undas ay marapat na magbigay sa atin ng oportunidad upang isantabi nating pansamantala ang ating mga alalahanin kasama na ang mga pinangangambahan natin sa mga usaping pulitikal na gaya ng mga nabanggit at pagtuunan ng atensiyon ang paggunita sa isang dakilang tradisyong Pilipino, ang Undas.