Hindi na kailangan pa ang foreign aid para tulungan ang mga biktima ng bagyong Lawin, dahil mayroon pang P35 bilyong pondo ang pamahalaan galing sa natipid na pera ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay Senate Minority Leader Ralph Recto, ang calamity fund ay mula sa savings ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) noong 2015 at 2016.
Sinasabing P5.09 bilyon ang pondo mula sa 2015 at P30 bilyon naman para sa 2016.
“No major calamities had visited us this year. There are fewer typhoons, the number is way below the usual and we are already nearing the last two months of the year,” ani Recto.
Aniya, patunay din ito na hindi pinag-interesan ng nakalipas na administrasyon ang pera at hindi nito ginalaw o inilipat sa ibang pagkakagastusan.
Sa halip na humingi ng tulong sa ibang bansa, mas mainam daw na tanggalin na lamang ang red tape na umiiral sa oras ng kalamidad. (Leonel M. Abasola)