alden-maine-3-lolas-copy

TINUPAD ni Alden Richards ang kahilingan ng AlDub Nation sa kanila ni Maine Mendoza sa ADN Festival last October 16 sa SMX Convention Center, na “ang kiss po sa wedding na lang”nitong nakaraang Sabado sa “Kalyeserye: Wedding Special”.

Pero after sabihin ng pari na, “Alden, you may now kiss the bride,” itaas ang veil ni Maine, at akmang hahalikan na ang kanyang very beautiful bride, biglang hinimatay si Lola Nidora (Wally Bayola) kaya naudlot pa ang pinakahihintay na halik.

Natuloy ang kiss-the-bride nang matauhan na si Lola Nidora, nag-sorry sa pari, nahilo lamang daw siya kaya ituloy na ang ‘kiss-the-bride.’ Malakas ang tilian at palakpakan sa Christ The King Church nang matagal ding naglapat ang mga labi nina Alden at Maine. Kaya ang fans, ayaw maniwalang hindi totoo ang kasalan. Maari raw na reel wedding lang, but the feelings of Alden and Maine are real.

Human-Interest

Guro, kumasa sa ipon challenge para mabigyan ng Christmas party kaniyang advisory class

Exactly 1:30PM, nagsimula ang wedding ceremony. Naging principal sponsors sina Mike Enriquez at Helen Gamboa, Elmer Villasanta ng Magnolia at Irma Adlawan, Joey de Leon and Margot Torres of McDoPh. Secondary sponsors sina Jake Ejercito at Aicelle Santos, Kenneth Medrano at Toni Aquino, Miggy Tolentino at Taki Sato, best friends ni Maine na sina Janneva Verceles at Katrina Nicolas with the Baes, at ang sister ni Maine na si Coleen as the maid of honor. 

Si Rodjun Cruz naman ang naging best man ni Alden.

Si Ai Ai delas Alas as Alden’s Lola Baba, Maine’s tres lolas Nidora, Tidora (Paulo Ballesteros) at Tinidora (Jose Manalo) at si Vic Sotto as Daddy Doods ang naghatid sa altar kay Maine. Nasa entourage din ang magkapatid na Baste at Samsam, flower girls sina Ryzza Mae Dizon at Scarlette Mago at Olivia Mago, at si Sandro Sotto ang ring bearer.

For the record, hindi po tunay na pari ang nag-officiate ng wedding, isa siyang actor at scripted ang mga sinabi niya. Nang itanong ng pari kung tinatanggap ni Alden na asawa si Maine, ni Maine si Alden, at sumagot sila ng “I Do,” nagtilian sa tuwa ang fans, at nagpalakpakan maging ang Dabarkads, tanggap na tanggap ang union ng dalawa. Sa pagsusuot ng ring, parang maiiyak pa sina Alden at Maine habang binabasa ang prayers, then ang paglalagay ng veil and cord sa kanila, tanda na pinag-isa na sila.

Pero ang talagang touching ay ang pagbasa nila ng kanilang marriage vows na balita namin sila talaga ang sumulat, mula sa puso nila. Sa simula pa lang ng pagbasa ng vow, nabasag na ang boses ni Alden: “Maine, nang una kitang makita sa TV nakita ko kung gaano ka kasungit, lagi kang nakasimangot, kaya naisip ko kung ano ang gagawin mo kapag nakita mo na ako. Kaya ang laki ng tuwa ko nang ngumiti ka sa akin na may kasamang pabebe wave. Mula nu’n nagkagusto na ako sa ‘yo, maraming humadlang, pero hindi ako sumuko dahil alam ko na tayong dalawa ay para sa isa’t isa. Kaya ipinapangako ko sa ‘yo na sa bawat paggising mo, hanggang sa pagtulog mo, hahawakan ko ang mga kamay mo, yayakapin ko ang puso mo. Maraming salamat, Maine dahil nakilala kita at simula sa araw na ito, ipinapangako ko sa yo na sa lahat ng mangyayari sa buhay mo na kasama ako, sisiguraduhin ko ‘yon ang pinakamagagandang mangyayari sa buhay nating dalawa.”

Si Maine, medyo nagpatawa pa sa simula ng pagbasa, na una raw niyang nakita si Alden na nagsayaw ng Twerk Like Miley.“Akala ko nga hindi mo ‘ko papansinin, kasi sino ba naman ako, isang ordinaryong babae lang, pero ngumiti ka, ‘tapos nakita ko iyong dimples mo. Siyempre kinilig ako, lalo kang gumuwapo sa paningin ko. Hinintay ko ang araw na tayo’y magkikita at magkakakilala. Alam mo ngayon tumatalon ang puso ko sa saya dahil mas marami pang oras at araw tayong magkakasama. Wala na akong mahihiling pa. (Napaiyak na rin si Maine dito.) Salamat, Alden dahil tinuruan mo akong magmahal nang wagas at walang takot. Salamat dahil ipinaglaban mo ang pagmamahalan natin, ipinaglaban mo ang pagmamahal mo sa akin. Asahan mo na ipaglalaban ko rin ang pagmamahal ko para sa ’yo hanggang sa dulo. Pangakong aalagaan kita hanggang sa tayo’y tumanda, pangakong hindi kita pababayaan, pangakong lagi kitang sasamahan, pangakong hinding-hindi kita iiwan. Mamahalin kita nang walang kapantay, habambuhay.”  

Lalong napaiyak si Maine kaya niyakap na siya nang mahigpit ni Alden.

After ng first kiss, na napuno ng lipstick ang lips ni Alden, humirit pa ulit ang audience ng isa pa, pero sa halip na sa lips ay sa noon ni Maine humalik si Alden, tanda ng paggalang at pagmamahal sa “asawa.”  

Nakakatuwa si Alden na buong pagmamalaki pang ipinakita sa lahat ang kanyang wedding ring. (Tweet ng mga fans, hihimatayin sila kung hindi huhubarin ni Alden ang ring after ng kalyeserye. Pero hindi hinubad ni Alden ang ring nang mag-rehearse siya para sa Sunday Pinasaya at ipinagmalaki rin niya ang ring sa kanyang first mall show to promote his new album kinagabihan ng wedding sa SM Rosario in Cavite).

Anchors sa Christ The King Church sina Pia Guanio at Ryan Agoncillo, si Pauleen Luna-Sotto naman ang lector during the wedding ceremony. Si Kuh Ledesma ang wedding singer at naging background music ang dalawang mahahalagang songs sa love story nina Alden at Maine, ang God Gave Me You at Imagine You & Me. 

Tulad sa “Tamang Panahon” noon, wala ring commercial break habang isinasagawa ang wedding ceremony from 1:30 to 2:45 PM. (NORA CALDERON)