Pagbabago ng ugali ang solusyon sa illegal parking.
Ito ang binigyang diin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Thomas Orbos, sa panayam ng radyo.
“It’s a matter of changing the attitude. Tayo kasi karamihan gusto malapit sa bababaan ‘yung paparkingan,” pahayag nito.
Sinabi ni Orbos na nakasanayan na ng mamamayan na unahin ang kanilang kaginhawaan, kahit marami pang motorista ang mapeperwisyo.
Kakaiba umano ang mga Pinoy pagdating sa parkingan. Sa ibang bansa, sinabi ni Orbos na nagpa-park ang mga motorista kahit malayo. Hindi nila alintana ang paglalakad, huwag lang ilegal na mag-park o makadistorbo ng iba.
Bukod sa motorista, dapat din umanong huwag payagan ng mga establisyemento na ilegal na mag-park sa kanilang harapan ang mga kostumer.
Nakasanayan na kasi ito at kadalasan ay dalawang lanes pa ang nasasakop ng mga kotse.
Sinabi ni Orbos na nakikipag-usap na sila sa ilang establishments at tinutulungan nilang maghanap ng parking spaces.
Isang halimbawa ay ang pakikipag-usap nila sa opisyal ng mga mall sa EDSA, kung saan ipinanukala na maghanap sila ng mga parking space sa mga kalapit na gusali.
“Sabi namin sa kanila, bakit ‘di kayo makiusap d’yan sa mga yan na ‘pag weekend walang laman ang mga parking space nila?” ani Orbos. (Rizal S. Obanil)