jun-lana-at-perci-intalan-copy

NAINTERBYU namin sina Direk Jun Lana at Direk Perci Intalan bago nagsimula ang unang screening sa QCinema International Film Festival ng Ang Manananggal sa Unit 23B na produced ng kanilang Idea First Company at pinagbibidahan nina Ryza Cenon at Martin del Rosario.

Bukod sa Manananggal, excited din sina Direk Jun at Direk Perci sa pagkakasali ng isa pang pelikula nilang Die Beautiful sa 29th Tokyo International Film Festival.

Si Paolo Ballesteros daw talaga ang nasa utak nila noong sinusulat nila ang script ng Die Beautiful.

Human-Interest

'Pag di nakumpleto bakuna sa rabies, mawawalan ng bisa unang bakuna na nabigay—Doc Alvin

“Ang tagal nang natapos ang script ng Die Beautiful, two years ago pa, kaya blessing in disguise, pero ayokong sabihing ganu’n nga kasi nakinabang kami sa suspension niya, pero nakatulong talaga,” bungad na kuwento ni Direk Jun.

“Nu’ng nalaman naming suspended si Paolo, bigla kaming nag-panic na, ‘uy, available na si Paolo, pero hindi natin alam kung hanggang kailan,” sabi naman ni Direk Perci.

Ilang buwan ang shooting ni Paolo sa Die Beautiful?

“Maiksi lang, mga one month and a half, pero three days a week naman ‘yun, para kaming nag-soap opera,” sabi naman ng program manager ng Idea First na si Omar Sortijas.

Mahaba ang available na panahon ni Paolo, dahil anim na buwan itong nasuspendi sa Eat Bulaga.

“Oo, pero nag-preprod pa, marami pang preparations,” duetong sabi nina Jun at Perci.

Para makadalo sa kanilang big event sa Tokyo, pinayagan si Paolo na mag-absent ng apat na araw sa Eat Bulaga kahit kababalik lang nito sa show.

“Oo, for this Tokyo International Film Festival, kasi siya mismo ang nakiusap. Kasi sayang talaga ‘yung exposure niya,” say ni Direk Jun.

“So far kasi, among the entries ng Tokyo festival, itong Die Beautiful ang pinakamaraming views, pinaka-popular,” salo ni Direk Perci. “Ang laki ng difference sa ibang movie. Like 10,000 plus ang views sa Tokyo, ‘tapos ‘yung iba iba 900 plus lang ang views.”

“Sayang kung hindi a-attend-an ni Paolo kasi sikat siya ro’n,” sabi pa ni Direk Jun.

Sabi namin, parang si Julia Roberts si Paolo sa pelikula habang nakahiga sa kabaong.

“Ang galing ng make-up transformation ni Paolo, siya lang lahat ‘yun,” triong sabi nina Jun, Perci at Omar.

Hindi sila ang nagsali ng Die Beautiful sa Tokyo filmfest, kinontak sila ng agent nila.

“Nu’ng nabalitaan kasi nilang ginagawa ni Jun itong Die Beautiful, di ba, nag-Tokyo si Jun, ‘tapos nag-inquire sila na i-submit nila ang entry, eh, hindi kami makasagot kasi dikit na dikit kami sa deadline.,” kuwento ni Perci.

“Sabi ni Jun, ‘I don’t think we will be able to finish, ‘tapos nag-request sila na maski raft, so nag-send si Jun at deadline na ‘yun. Within the night, nag-reply at first time raw nilang mag-reply ng ganu’n kabilis. Go kaagad. So, hindi namin alam kung may ideya sila about Paolo, siguro ni-research nila at kita naman sa social media.

“Pero nu’ng lumabas ‘yung trailer, nagulat kami na gumagalaw mag-isa. Maraming following si Pao, in fairness kahit nga dito sa Gwapo, ang dami niyang fans, share nang share. I think carry over na rin ng AlDub kasi part siya ng mga lolas, kaya mayroong JoWaPao na fans club. Saka mabait si Pao, tsika lang siya, walang ere.

“Nakadalawang pelikula na kami sa kanya sa Die Beautiful kung tutuusin, ang dami niyang moments na mag-diva-diva kasi ang hirap, pero cool lang siya,” kuwento ni direk Perci.

May additional talent fee ba si Paolo sa Die Beautiful bilang make-up artist dahil ang laki ng natipid ng Idea First Company kung kumuha pa sila ng ibang gagawa nito.

“Ha-ha-ha, may additional credits siya,” natawang sagot ni Perci.

Inaabot daw ng apat na oras ang pagmi-makeup ni Paolo.

“Three to four hours, matagal talaga ‘yung make-up, madugo,” sagot ni Direk Jun. “Para akong gumawa ng horror film na masyadong madetalye, matagal maghintay, iba-ibang looks pa. Nu’ng sinimulan namin, ‘isip ko, madali lang ito, pero ‘yung paglalagay ng kuko, suso, beywang (nilagyan ng girdle), ang tagal. Talo pa prosthetics, eh.”

Napakasuwerte pala nila kay Paolo, malaki na ang natipid nila sa make-up artist at stylist dahil dala pala lahat ng aktor iyon.

“Oo, sobrang laki, may advantage nga, kasi si Pao, ini-enjoy niya ‘yung ginagawa niya, hindi siya nagrereklamo,” sey ni Direk Perci.

“Nasusugatan na nga ‘yung magkabilang gilid (para sa boobs) niya dahil sa packaging tape talaga. Ayaw naman niyang hindi gumamit ng packaging tape,” dagdag ni Omar.

Bukod sa Die Beautiful, kasama rin si Paolo sa pelikulang Bakit Lahat ng Gwapo May Boyfriend line produced naman ng Idea First Company sa Viva Films.

Sakto rin daw na natapos ng aktor ang pelikula sa panahong suspendido siya sa Eat Bulaga.

Kaya nakadalawang pelikula ang aktor sa haba ng suspension niya.

“Oo nga, hindi rin namin ini-expect na lalabas din siya sa Gwapo,” sabi ni Direk Perci.

Samantala, anim na pelikula na ang natapos ng Idea First ngayong taon, kasama ang line-produced din nilang I Love You To Death, Anino, IAmerica, Die Beautiful, Bakit Lahat ng Gwapo May Boyfriend, at Ang Manananggal sa Unit 23B.

Saan nakakakuha ng satisfaction ang dalawang direktor, sa pagtanggap ng awards sa sinalihang filmfest o sa commercial movies?

“Pareho, magkaibang-magkaiba talaga, saka nagbi-blend na, hindi mo na alam. Saka ang dami nang indies na nagmi-mainstream na rin, hopefully one day, sana wala nang division. Kung ano’ng magandang kuwento, ‘yun ang panoorin. Saka sa indie nanggagaling ‘yung mga bagong kuwento, bagong talents, bagong direktor. Halos lahat ng batang editors na magagaling, halos lahat nasa indie,” sagot ni Direk Jun.

Aminado sila na hindi kumikita ang lahat ng pelikulang ginawa nila dahil na rin sa kawalan ng promo, lalo na kung ayaw mag-promote ang artistang kasama sa pelikula.

Passion nila ang filmmaking, ito rin ang sagot nila nang itanong namin sa kanila kung bakit maraming indie filmmakers na panay pa rin ang gawa ng pelikula kahit hindi naman kumikita.

“Passion kasi ‘yan. Actually, maski direktor lang ako, ako ang nag-aabono, kaya sabi ko minsan, bakit ito lang kinita ko hindi naman ako ang producer?” kuwento ni Direk Jun.

Dagdag naman ni Direk Perci, “Payo nga namin na huwag ubusin lahat, isang pelikula lang ‘yan, may susunod pa, passion project ‘yan ngayon. May mga kilala rin kaming nagsangla ng bahay at hindi mga batang filmmaker. Saka parang baby mo rin kapag ginawa mo ‘yung project, irrational.”

“Mas mahal ‘yung dati kasi film pa ang ginagamit, tapos magagandang ilaw, imagine mo pag hindi mo type ‘yung kuha mo, uulitin mo, e, film ‘yun saka dapat walang tapon. Mas maraming rehearsal. At that time, patawid ako ng digital,” sabi ni Direk Jun. (REGGEE BONOAN)