OKLAHOMA CITY (AP) — Ratsada si Russell Westbrook sa naiskor na 26 puntos at 10 assist para sandigan ang Thunder kontra Minnesota, 112-94, nitong Linggo (Lunes sa Manila) para sa unang panalo sa limang laro sa pre-season.

Kabiguan ang nakamit ng Thunder sa dalwang laro sa Spain , gayundin sa Dallas at Tulsa kontra sa Mavericks.

Sa harap nang nagbubunying home crowd, nagpamalas ng katatagan si Westbrook na nagsisilbing main man ng Oklahoma City sa paglipat ni Kevin Durant sa Golden State Warriors sa off season.

"We are getting into the flow of things, trying to figure out different things we can use," aniya.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kumubra si Steven Adams ng 20 puntos, habang nag-ambag sina Victor Oladipo at Enes Kanter ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Naglaro ang Timberwolves na wala ang star player na sina Andrew Wiggins, Ricky Rubio, Karl-Anthony Towns at Zach LaVine.

NUGGETS 106, BLAZERS 97

Sa Portland, kumubra sina Wilson Chandler at Will Barton ng 18 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod sa panalo ng Denver Nuggets kontra Trail Blazers.

Impresibo ang Nuggets sa pre-season sa kartang 3-3.

Nanguna sa Portland sina CJ McCollum at Al Farouq Aminu, kumana ng 18 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.

HAWKS 105, MAGIC 98

Sa Orlando, nagwagi ang Atlanta Hawks, sa pangunguna ni Paul Millsap na umiskor ng 19 puntos, kontra Magic.

Hataw naman si Tim Hardaway, Jr. sa Atlanta sa nakubrang 19 puntos, habang kumana si dating PBA import Arinze Onuaku ng anim na puntos.