SA kabila ng sinasabing matagumpay na pagpuksa ng administrasyon sa bawal na droga, ‘tila bigo naman ito sa kampanya laban sa mga katiwalian sa pamahalaan. Hindi tumitimo sa kamalayan ng mga opisyal at kawani ang determinasyon ni Pangulong Duterte hinggil sa paglikha ng isang malinis na gobyerno.

Sa panunumpa sa tungkulin ng mga bagong-hirang na pinuno, mistulang nagpasaklolo ang Pangulo: “Tulungan ninyo ako sa kampanya laban sa mga katiwalian; hindi ko ito kayang mag-isa.” Tama naman sapagkat ang ganitong pagsisikap ay kailangang isagawa nang sama-samang pagtutulungan. Collective efforts, wika nga. Katulad din ito ng pakikidigma sa drug lords, pushers at users ng mga bawal na droga.

Totoong mahirap lipulin ang graft and corruption nang walang pagsaklolo ng matitino at mapagkakatiwalaang mga lingkod ng bayan. Ang kasumpa-sumpang gawaing ito ng maraming tauhan ng gobyerno ay nag-ugat na nang malalim sa halos lahat ng nakalipas na administrasyon. Hindi ito napag-ukulan ng totohanang paglipol dahil marahil sa masakim na interes ng ilang lider dahil sa political patronage at pagtanaw ng utang na loob.

Tulad nga ng minsang ipinahiwatig ni Ombudsman Conchita Carpio Morales: ‘Record breaking’ ang bilang ng mga opisyal na dawit sa graft. Nangangahulugan na katakut-takot ang bilang ng asunto na naisampa sa Office of the Ombudsman (OMB). Maaaring kabilang na rito ang mga kaso ng mga naglingkod sa nakaraang pangasiwaan, kasama na rito ang hinalinhang Aquino administration.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit minsan ding nawika ng Pangulong Duterte na ang lahat ng opisyal ng gobyerno na nahaharap sa mga asunto ay kailangang magbitiw sa tungkulin; kasama na rito ang mga opisyal na inirekomenda niya noong administrasyon nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Pangulong Benigno Aquino III. Maaaring ang ilan sa mga ito ay naglilingkod pa sa itinuturing na “most corrupt government agencies” na tulad ng Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at iba pa, na pinamumugaran ng ilang mandarambong at imoral na lingkod ng bayan.

Walang hindi naniniwala na matindi ang determinasyon ng Pangulo na lipulin ang mga katiwalian; at marami ang naniniwala na ang naturang misyon ay hindi niya kayang mag-isa. Bukod sa mismong mga tauhan ng pamahalaan, dapat sumaklolo rito ang taumbayan, lalo na ang mga negosyante. Nais ng Pangulo na isumbong sa kanya ang anumang pagmamalabis sa tungkulin at ipinangako na iyon ay tiyak na aaksiyunan niya.

Ito ang tiyak at epektibong paraan upang makalikha ng isang malinis na gobyerno, kung matutupad niya ang kanyang proyekto. (Celo Lagmay)