“MAGLAGAY pa tayo ng pangil para kumbaga, nung mga bata pa kami, alam ninyo si Mommy D, kung paano niya kami dinisiplina, mga lalaki kaming magkakapatid, eh, matitigas ang ulo namin. Kapag hindi mo sinunod ang utos, palo ka kaagad. ‘Yung mommy ko, sabi niya, ‘ito patakaran ko, huwag ninyo gawin, nandito na kayo ng alas-singko ng hapon, ito ang pamalo, ilalagay ko dito’,” kuwento ni Pacquiao sa Senate Committee on Justice and Human Rights. Kaugnay ito sa pagtatanggol niya sa death penalty na nais niyang ipataw sa mga sangkot sa ilegal na droga.

Kapag, aniya, malaki ang pamalo, napipilitan silang magkakapatid na sumunod.

“Parang death penalty, while we’re helping them, ‘yung mga sumuko, we’re putting rehabilitation centers, eh, ito ‘yung kailangan may pamalo rin na ipapakita nila na ito, we have a death penalty in this nation for drug traffickers, coddlers and pushers,” paliwanag niya.

Napakalaking pagkakamali, G. Senador, ang iparehas mo ang pamalo ng iyong ina sa death penalty. Sabi mo nga, pangdisiplina niya ito sa inyo para sumunod kayo sa kanyang ipinag-uutos. At dahil malaki ang pamalo, sa ayaw ninyo at sa gusto, susunod kayo sa kanya. Hindi ganito ang death penalty na hindi komo mayroon nang batas na nagpapataw nito ay wala nang gagawa ng mga krimeng pinarurusahan nito. O kaya, mababawasan ang gagawa ng mga ito. Isa nga sa dahilan ng mga tumututol sa parusang ito ay dahil hindi ito nakapipigil sa paggawa ng krimen. May mga lugar na umiiral ito, pero higit na marami ang krimen sa mga ito kaysa mga lugar na wala ito.

Ang pamalo ng iyong ina, G. Senador, ay gagamitin sa iyo sa napakasimpleng dahilan: ang hindi mo pagsunod sa gusto ng iyong magulang. Ang mga krimeng gaya ng gusto ninyong patawan ng parusang kamatayan ay nakakawing sa iba’t ibang bagay at problema, gaya ng kahirapan, na kailangang lapatan ng lunas.

Ang krimen, tulad ng isang sakit, ay sintomas o manipestasyon ng higit pang grabeng sakit na ang mga ito ang dapat gamutin kung uugatin mo ang problema. Kapag hindi natin isinasaala-alang ang katotohanang ito, na siyang nangyayari ngayon sa pagpupumilit ninyong maipasa ang death penalty, mas malala pa ang problemang idudulot nito.

Mga yagit lang sa lipunan ang sasalain ng inyong death penalty, tulad ng sinala ng parusang ito nang ito ay ipinairal. (Ric Valmonte)