VIGAN CITY – Nilinaw ni Vigan City Police chief Supt. Jugith Del Prado na isa lamang “prankster” ang nakasuot ng clown costume at may bitbit na chainsaw na nanakot kamakailan sa Barangay Ayusan Norte sa Vigan City, Ilocos Sur.

Sinabi kahapon ni Del Prado na sinadya ng hindi pa nakikilalang suspek ang pananakot sa isang dalagitang estudyante habang inire-record umano siya ng kanyang mga kasabwat.

Gayunman, sinabi ni Del Prado na pinaigting na nila ang follow- up investigation para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek nang ihinto na ng mga ito ang nasabing pagbibiro sa siyudad.

Napaulat na dakong 7:40 ng gabi nitong Oktubre 9 at naglalakad pauwi ang babaeng senior high school student nang bigla siyang harangin at habulin ng isang nakasuot ng clown costume na may bitbit na chainsaw.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Agad na humingi ng saklolo ang dalagita sa ilang residente ngunit mabilis na nakatakas ang suspek, sakay sa itim na kotse ng mga kasabwat nito, at nilagpasan lang ang biktima. Walang plaka ang kotse.

“Kung may intensiyon ang mga suspek na saktan ang biktima, dapat hinintuan siya para tangayin, pero nilagpasan lang siya, habang nanghihingi siya ng saklolo sa mga kapitbahay,” paliwanag ni Del Prado.

Gayunman, pinayuhan ni Del Prado ang mga magulang na huwag nang palabasin o palabuyin sa kalsada ang kanilang mga anak kapag kumagat na ang dilim upang maiwasang mabiktima ng nabanggit na prankster. (Freddie G. Lazaro)