ANG pagkadismaya ni dating Pangulong Fidel V. Ramos sa unang 100 araw sa panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nakapagpalito sa iilan nating mga kababayan.
Alam ng lahat na isa si FVR sa malalakas na “pusher” na kumumbinse kay dating Davao City Mayor Duterte na tumakbo bilang Pangulo, at sumuporta sa kanya hanggang sa huli.
Marami ngayon ang napapaisip kung ang naging pahayag ni FVR ay pahiwatig ng kanyang pagkabig o pagbawi sa ibinigay niyang suporta kay Duterte sa kabila ng kanyang panawagan na ipagpatuloy ang suporta sa huli. Sana naman ay hindi.
Hindi naman umano kontra si FVR sa pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa China at Russia. Ayaw lamang niya na maging kaaway ang mga dating kaibigan, lalo na sa pamamagitan ng pagmumura.
Maging si dating National Security Adviser Gen. Jose Almonte ay nagbahagi ng paalala kay Pangulong Duterte: “A successful President is a good performer and a statesman.”
Sa ipinangako ni Pangulong Duterte na tataasan ang combat pay ng mga pulis at militar at dodoblehin ang kanilang suweldo sa loob ng anim na taon, marami ang nagtatanong kung saan kukunin ang pondo para rito at kung kakayanin ba ng gobyerno dahil ganito rin ang panawagan ng ibang sektor.
Magtiwala tayo sa Pangulo. Hindi siya magbibitiw ng pangako na hindi niya kayang tuparin. Oo, kayang ipagkaloob ito ng gobyerno at alam ng Pangulo kung saan ang mapagkukunan ng pondo.
Kaugnay sa nasabing isyu, hayaan ninyong isangguni ko ito sa paborito kong Bicolano leader na si Albay Rep. Joey Salceda, kasalukuyang senior vice chair of the House Ways and Means, at vice chair of Appropriations, Local Government and Economic Affairs committees.
Sa kanyang panayam kamakailan sa Kongreso, sinabi niya na ipinangako niyang tutulong siya sa pagbuo ng mga programang pampinansiyal sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) nang malaman ang pangako ni Pangulong Duterte na dodoblehin ang mga suweldo ng mga pulis... at militar sa loob ng anim na taon. Matagal nang nakikipagtulungan si Salceda sa PNP at AFP.
Humingi siya ng tulong sa kanilang mga tauhan nang buohin niya ang Team Albay, isang disaster response group noong siya pa ang governor.
Siya ang kasalukuyang Lieutenant Colonel sa AFP reserve force at kasalukuyang regional commander ng 33rd Air Force Group Reserve sa Bicol. (Johnny Dayang)