BUMUHOS ang papuri at parangal sa aking matalik na kaibigan, si Senadora Miriam Santiago, sa kanyang pagpanaw. Marami ang umalala sa kanyang matalino at nakatutuwang mga linya at ang matapang na pananalita sa pagsusulong niya ng malinis na pamahalaan.

Habang binabalikan ko ang naging buhay ng isang tapat, mapagkandili at mapagmahal na kaibigan, nakita ko ang isa niyang talumpati nang tanggapin niya ang Ramon Magsaysay Award for Government Service noong 1988. Sa aking pananaw, ito ang magandang halimbawa ng kanyang pagiging makatao.

Sa kanyang talumpati, isinalaysay ni Miriam ang laging pag-aalala niya sa kanyang mga anak noong kanilang kabataan, sa gitna ng matapang na paglaban niya sa katiwalian at pagsusulong sa katarungan.

Noong siya ay hukom sa Regional Trial Court ng Lungsod ng Quezon, binansagan si Miriam na “Fighting Judge” dahil sa pagtanggi niya sa mga pabor mula sa makapangyarihang mga tao at maging mula sa militar. Hindi siya tumanggap ng suhol, at pinamayani ang katapatan sa kanyang sala.

Lalo siyang nakilala nang maging pinuno siya ng Bureau of Immigration. Binaka niya ang mga fixer at mga tiwaling kawani bilang bahagi ng paglilinis sa nasabing ahensiya, na itinuring na isa sa mga pinakatiwali sa pamahalaan.

Sa aking pananaw, sa Senado nakita ng lahat ang kanyang kinang. Kapag nagsasalita si Miriam, lahat ay nakikinig.

Ngunit ang lagi kong hahanap-hanapin ay ang kanyang katapatan at kalinga bilang isang kaibigan. Isa siyang kaibigan na hindi ka iiwan anuman ang mangyari.

Itinuturing kong mapalad ang aking sarili dahil nagkaroon ako ng oportunidad na makilala hindi lamang ang maganda at matalinong babae na nakilala ng publiko, kundi ang isang babae na maawain,... (Manny Villar)