LAUSANNE, Switzerland (AP) — Muling nadungisan ang katayuan ng Team Russia sa world sports nang bawian ng gintong medalya si Russian hammer thrower Tatyana Lysenko sa napagwagihan sa 2012 London Olympics.
Ibinaba ng International Olympic Committee (IOC) ang desisyon nitong Martes (Miyerkules sa Manila) matapos magpositibo ang doping samples sa isinagawang retesting.
Nakita sa sample ni Lysenko ang ‘steroid turinabol’, sapat para patawan din ng awtomatikong diskwalipikasyon sa 2020 Tokyo Olympics.
Ipinag-utos ng IOC sa Russian Olympic Committee na ibalik ang gintong medalya sa Olympic body sa lalong madaling na panahon.
Mapupunta ang gintong medalya kay Anita Wlodarczyk ng Poland. Ito ang ikalawang Olympic gold para kay Wlodarczyk, nagwagi sa naturang event sa Rio de Janeiro Games nitong Agosto.
Inatasan din ng IOC ang International Amateur Athletics Federation (IAAF) na ayusin ang resulta ng 2012 Olympics at patawan ng kaukulang parusa si Lysenko, na isa nang retirado. Nahaharap siya sa habam-buhay na ban dahil sa ikalawang pagkakasangkot sa droga. Noong 2007-09 napatawan din siya ng banned dahil sa doping violation.
Naitabi at sinusuri ng IOC – gamit ang pinakabagong kagamitan – ang mga doping samples may 10 taon na ang nakalipas.
Naitala ng IOC ang 98 positive case sa isinagawang retesting mula sa mga samples ng 2018 at 2012 Olympics.