GRABE ang pamba-bash kay Andi Eigenmann dahil lang sa sinabi niya sa last na post niya sa Instagram na she has nothing to explain. Sumobra naman yata ang iba sa mga pinakawalang salita laban kay Andi at nadamay pa nga si Jaclyn Jose.
Hindi na siguro nakatiis si Jacyln, kaya sunud-sunod ang post nito at nakiusap na tigilan ang pamba-bash kay Andi, pero parang lalo niyang ginalit ang mga dati nang galit sa kanila ni Andi.
Ang unang post ni Jaclyn ay sagot sa isa sa mga umaaway kay Andi.
“Alam mo din ba kung ano ang pakiramdam ko nang may ginawa ang binabanggit mo sa anak ko (Hindi nito binanggit ang pangalan ni Albie Casiῆo)? Puede n’yo sabihin ang gusto n’yo sabihin sana lang alam n’yo ang sinasabi ko. Hindi ako palapatol. Hindi n’yo kilala at alam ang mga pinagdaanan ng anak ko. Huling beses ba. Itigil na ninyo ang masasakit na salita... nalulungkot ako at mayroon kayong kanya-kanyang kuru kuro sa taong ni hindi ninyo nakikilala nang lubusan. God bless us all. I am asking for respect.”
Dahil hindi pa rin tumigil ang basher ni Andi, muling nag-message si Jaclyn ng, “Iha, hindi na tama ang pambabastos mo sa amin. Nakikiusap ako na ihinto mo na.”
Sinundan pa ito ng isa pang message na, “Mga iha, nakikiusap ako sa inyo na wag n’yo isali si Ellie sa usaping ito nagpo-post ako dahil sa apo ko. Gaya ng ibang mga lola tao din ako na proud sa aking apo. Magkaiba usapin ‘yun...
uulitin ko, nakikiusap ako na ‘wag n’yo isali ang apo ko o ang pangalan niya sa mga comment n’yo. Salamat.”
Hindi pa rin nakinig sa pakiusap ni Jaclyn ang mga galit kay Andi at muli siyang nag-post na sad, to say, hindi pa rin nagpahinto sa pamba-bash kay Andi.
“Alam mo hindi ako pumapatol sa mga ganitong comment. Pero sana isipin n’yo na may inang nasasaktan sa mga masasakit n’yo sinasabi sa anak ko... kelan mo ako nadinig na nagsalita tungkol sa lalaking binabanggit mo? Kung may galit man ako sa taong ‘yun hindi dahil sa ibang dahilan kundi ang pananakit na ginawa niya sa anak ko. Wala ka du’n, wala ka sa buhay na pinagdaanan ng anak ko. Wala kayong alam. Wala kang karapatan maghusga... ‘di ako nagsasalita pero uulitin ko. Sana isipin n’yo na may inang nasasaktan.”
Anyway, tsinek namin ang picture na ipinost ni Dingdong Dantes kuha sa Thanksgiving Mass para sa success ng Alyas Robin Hood na kasama sa cast si Jaclyn. Wala siya sa Mass pati sina Megan Young, Sid Lucero at Cherie Gil. Dahil kaya ‘yun sa Born Again Christian sila o may nauna lang na mga lakad? (NITZ MIRALLES)