OSLO, Norway – Nagkaroon ng bahagyang pagtatalo ang mga peace negotiator ng gobyerno at ng National Democratic Front (NDF) nitong Biyernes matapos na kapwa igiit ng magkabilang panig ang magkaiba nilang posisyon kaugnay ng pagpapalaya sa mga political prisoner, sa pagpapatupad ng pangkalahatang ceasefire, at pagpapatibay ng mga social at economic reforms.
“No amnesty (para sa political prisoners), no ceasefire,” sabi ni NDF Senior Political Adviser Jose Maria Sison habang iginigiit ang mas matibay na commitment mula sa gobyerno na palalayain na ang mahigit 400 political detainee sa bisa ng amnestiya.
Ito ang naging reaksiyon ni Sison makaraang hindi makuntento ang NDF sa status report na ibinigay ng government panel tungkol sa proklamasyon ng amnestiya at sa pagpapalaya sa mga political prisoner.
Pinaalalahanan din ng bagong talagang si NDF Peace Panel Chairman Fidel Agcaoili ang gobyerno na sa kanyang pulong kay noon ay kapapanalo lang sa halalan na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay sinabi umano ng huli na “granting amnesty would be the most effective method in releasing (detained NDF consultants), the sick, elderly, women, and long-term detainees for humanitarian reasons, and all the political prisoners.”
Sumegunda pa si Sison, sinabing ang NDF “were not asking more than what they heard.” (Rocky Nazareno)