Binigyang insentibo ng Philippine Sports Commission ang pinakaunang Woman Grandmaster ng bansa na si Janelle Mae Frayna sa pag-aangat dito mula sa pagiging national pool member tungo sa mas mataas na Class A athlete dahil sa kanyang tagumpay sa 42nd World Chess Olympiad na ginanap sa Baku, Azerbaijan.

Sinabi ni National Chess Federation of the Phl executive director at women’s national chess team coach GM Jayson Gonzales na aprubado na ni PSC Chair William “Butch” Ramirez ang pagtataas sa grado ni Frayna bilang miyembro ng pambansang koponan.

Dahil sa kanyang pagiging Class A athlete ay makakatanggap na si Frayna ng kabuuang P38,000 kada buwan kumpara sa dati nitong nakukuha na P7,200 buwanang allowance.

“It has taken effect this month and we’re happy about it,” sabi ni Gonzales.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Gayunman, asam ni Gonzales na maisama sana si Frayna sa kategorya bilang “priority athlete,” na inaasahang makapagbibigay dito ng P40,000 kada buwan na allowance at dagdag na buwanang badyet na P43,000 na kanyang magagamit sa pagsasanay at exposure sa labas ng bansa.

“Hopefully the good chairman and commissioners of the PSC could hear us because it will be a big boost not just to women chess but Phl chess in general,” sabi ni Gonzales. “Plano kasi ni Janelle na kumuha ng Law while pursuing to be among the top 10 woman grandmaster in the world.”

Ipinapakisuap din ng NCFP sa kasalukuyan ang dapat na matanggap na insentibo nina Frayna at Asia’s first Grandmaster na si Eugene Torre na nagawang magwagi din ng tansong medalya.

Una nang ipinangako ng PSC ang pagbibigay kay Frayna ng P50,000 insentibo bilang bonus nito sa pagkamit sa WGM at sa kapantay nito sa kalalakihan na International Master title sa Baku.

Nauna nang ginawaran ng pagkilala ni Frayna ng alma mater nito na Far Eastern University ng P100,000 sa ginanap na testimonial dinner sa main campus ng unibersidad sa Morayta, Manila.

Sinabi ni Frayna na gagamitin nila ang insentibo sa pagpapagamot sa ina na si Corazon Sonia, na nakikipaglaban sa sakit na breast cancer. (Angie Oredo)