URDANETA CITY, Pangasinan - Isa sa tinaguriang high-value target na drug personality at kasalukuyang barangay chairman sa lungsod at kasama nitong civilian volunteer officer (CVO) ang napatay ng mga armadong lalaki sa national road sa Zone 2, Barangay Pinmaludpod sa siyudad na ito.

Gayundin, isang matandang babae ang nasawi makaraang mabangga ng sasakyan ng barangay chairman at CVO na nawalan ng kontrol sa manibela.

Kinilala ang napatay sa pamamaril na sina Bartolome Andrada, chairman ng Bgy. Pinmaludpod; at Johnny Barlon, CVO at driver ni Andrada.

Pinagbabaril ng dalawang suspek na sakay sa motorsiklong walang plaka sina Andrada at Barlon dakong 11:35 ng umaga nitong Huwebes habang sakay ang mga biktima sa itim na Mitsubishi Montero (JOR-333).

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Nawalan ng kontrol sa manibela si Barlon hanggang sa sumalpok ang Montero sa isang canteen, na ikinamatay ng may-ari ng canteen na si Consuelo Martinez, 74; habang sugatan naman ang anak nitong si Moises Ramirez, 27 anyos.

Samantala, narekober ng pulisya mula sa Montero ang isang .45 caliber Llama Max-1 Magnum L/F pistol, isang .22 caliber revolver na may tatlong bala, isang timbangan, dalawang magazine ng .45 caliber pistol na kargado ng mga bala. (Liezle Basa Iñigo)