Winakasan ng isang lalaki ang sarili niyang buhay matapos niyang ibigti ang sarili sa loob mismo ng kanyang pinagtatrabahuhang hotel sa Malate, Maynila kamakalawa.
Dead on arrival sa Ospital ng Maynila si Rogelio Tobia, nasa hustong gulang, stay-in employee ng Aloha Hotel, at residente ng Block 3, Lot 10, Lirio Street, De Castor Village, Aniban 5, Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni Police Supt. Romeo Odrada, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 9, dakong 5:05 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa stock room ng nasabing hotel na matatagpuan sa A. Mabini Street, Malate.
Sa salaysay ni Renan Ros, 47, cook, kay SPO2 Maximo Bustamante, may hawak ng kaso, nagtungo siya sa stock room kung saan nakatalaga ang biktima ngunit nang katukin ay hindi nito binubuksan ang pinto.
Dahil dito, nagdesisyon na umano si Ros na buksan ang pinto at laking gulat niya nang bumulaga sa kanya ang nakabigting bangkay ng biktima, gamit ang pulang nylon cord.
Kaagad naman humingi ng tulong si Ros sa kanilang mga kasamahan at isinugod sa nasabing ospital ang biktima ngunit patay na ito.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)